- BULGAR
6 Tips para ‘di mahilo sa biyahe
ni Mharose Almirañez | July 10, 2022

Naranasan mo na bang magkanda-hilu-hilo at magsuka sa kahabaan ng biyahe?
Normal lamang makaranas ng motion sickness ang kahit sinong indibidwal sa tuwing bumabiyahe sa malalayong lugar, sakay man ng kotse, eroplano, barko o tren. Bukod sa mga bata, kabilang din sa nakararanas nito ang mga buntis at iba pang hindi sanay bumiyahe.
Kaya bilang gabay, narito ang ilang tips na dapat gawin sa tuwing nakararanas ng pagkahilo sa biyahe:
1. UMINOM NG GAMOT. Maliban sa paglanghap ng white flower at pagpapahid ng healing ointment, epektibo ring pangontra sa hilo ang pag-inom ng Bonamine. Mabibili ito sa halagang P10 hanggang P15 kada tableta sa mga botika. Puwede itong inumin isang oras bago bumiyahe. Gayunman, tiyaking may laman ang tiyan bago bumiyahe at busog tuwing iinom ng gamot.
2. PANATILIHIN SA IISANG PUWESTO ANG ULO. Kumbaga, huwag kang pabagu-bago ng puwesto o ‘wag kang galaw nang galaw habang umaandar ang sasakyan. Mainam kung isasandal mo na lamang ang ulo sa sandalan ng upuan. Puwede ka ring maupo sa passenger seat upang hindi mo masyadong maramdaman ang pag-alog ng sasakyan.
3. PANATILIHING BUKAS ANG BINTANA. Makatutulong ang paglanghap ng sariwang hangin mula sa labas ng sasakyan at ang pagtanaw sa malayong lugar upang mabawasan ang pagkahilo.
4. HUWAG MAGBASA HABANG NASA BIYAHE. Siyempre matatagtag ka sa daan, kaya magkakanda-labu-labo ang paningin mo na maaaring makapagpahilo sa ‘yo.
5. MIND OVER MATTER. ‘Wag mo isiping nasusuka ka. ‘Wag kang lunok nang lunok o ‘wag mong paglaruan ang laway sa bibig mo na para bang pinipilit mo pa ‘yung sarili mong masuka. Sa halip ay ituon mo na lamang sa magagandang memories ang iyong isipan.
6. MAGDALA NG SUPOT. Sa supot ka susuka at hindi sa loob ng sasakyan o sa labas ng bintana. Dapat palagi kang may dalang supot saan ka man pumunta.
Ang pagkahilo sa biyahe ay hindi mapipigilan, kaya kung ayaw mong masabihang, “Ang pangit mo naman ka-bonding,” ay gawin mo na lamang ang nabanggit.
Okie?