50 puntos ni Jokic, sayang, Nuggets 'di umubra sa Kings

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 8, 2021

Nasayang ang career high na 50 puntos ni Nuggets (12-10) star Nikola Jokic matapos lumuhod sa Sacramento Kings ang Denver sa iskor na 119-114.
Nanguna sa panalo ng Kings si Harrison Barnes na sumalpak ng 28 puntos at 7 rebounds. Malaki ang panghihinayang ni Jokic dahil ito ang unang pagkakataon na nakapuntos siya ng 50 pero napunta lang sa Kings ang panalo.
Tatlo na ang sunod-sunod na panalo ng Kings. Nanguna para sa Kings (11-11) si Harrison Barnes na may 28 puntos habang ipinasok ni rookie Tyrese Haliburton ang 23 puntos.
Samantala, nagtrabaho ng husto ang Philadelphia 76ers bago iligpit ang pumalag na Brooklyn Nets, 124-108, sa tampok na laro kahapon sa NBA mula sa Wells Fargo Center. Inilabas ng 76ers (17-7) ang kanilang bagsik sa 3rd quarter sabay lamig ng Nets (14-11) upang tibayan ang liderato sa Eastern Conference.
Binuhat muli ng tambalang Joel Embiid na may 33 puntos at Tobias Harris na may 21 puntos, 102-86. Hindi nangyari ang inaasahang paputok at naiwan mag-isa si James Harden para sa Nets at lumiban sina Kevin Durant dahil sa health protocol at Kyrie Irving na pilay ang hintuturo.
Nakuha ng Dallas Mavericks ang panalo sa kanilang rebanse sa Golden State Warriors, 134-132, tampok ang matinding palitan ng puntos nina Luka Doncic at Stephen Curry. Nanaig pa rin si Doncic na may 42 puntos upang masayang ang 57 puntos ni Curry galing sa 11 tres.
Umulit ang Milwaukee Bucks sa Cleveland Cavaliers, 124-99, at gawing apat ang sunod-sunod na tagumpay. Bida muli si MVP Giannis Antetokounmpo na may 24 puntos habang tig-20 puntos sina Jrue Holiday at Khris Middleton.
Rumesbak ang Oklahoma City Thunder sa Minnesota Timberwolves, 120-118, salamat na magkasunod na buslo nina Shai Gilgeous-Alexander at Darius Bazley. Nanguna para sa Thunder si SGA na may 31 puntos at Mike Muscala na may 23 puntos. Gumanti rin ang Chicago Bulls sa Orlando Magic, 118-92, sa pangalawa nilang pagharap. Umapoy si Zach LaVine para sa 39 puntos at tinulungan ni Denzel Valentine sa 20 puntos.
Wagi ang San Antonio Spurs sa Houston Rockets, 111-106. Namuno sa ika-13 panalo ng Spurs sina DeMar DeRozan na may 30 puntos at Rudy Gay at Derrick White na may tig-14 puntos. Sa gitna ng mainit na shooting ng dalawang koponan, nanaig pa rin ang Atlanta Hawks sa Toronto Raptors, 132-121. Nanguna sa Hawks (11-12) si Trae Young na may 28 puntos at Clint Capela na may 23 puntos at 16 rebound. Pumaimbulog ang New York Knicks sa second half upang iligpit ang Portland Trail Blazers, 110-99. Nag-ambag ng tig-22 puntos sina Elfrid Payton at Julius Randle.





Comments