40-anyos, makapag-aasawa kung pagdidikit-dikitin ang pirma
- BULGAR

- Oct 18, 2020
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| October 18, 2020

KATANUNGAN
Naisipan kong kumonsulta sa inyo upang ipabasa ang aking kapalaran. Ako ay ipinanganak noong September 23, 1980. Sa edad kong ito, wala pa rin akong asawa o BF. May chance pa bang makapag-asawa ako at magkaroon ng sariling pamilya o tatandang dalaga ako at mag-isa na lang habambuhay? Kung ganito nga, mayroon pa bang mangyayaring maganda sa buhay ko?
Sa career, ano ang dapat kong gawin para makapag-ipon dahil ako na lang ang bumubuhay sa mga magulang ko? Minsan, kinakapos din ako, kaya ngayon, madalas akong nawawalan ng pag-asa. Sana matulungan n’yo ako para sumaya naman ang buhay ko. Ang ikinatatakot ko ay kung nakatakda akong tumandang dalaga habambuhay.
KASAGUTAN
Tandaang hindi totoo na nakatakda ang kapalaran, sa halip, ang kadalasang nangyayari ay kalahati lang ang nakatakda at ang kalahati naman ay ang gagawin palang ng tao. Halimbawa, may puno ng mangga sa harap ng bahay n’yo, nagkabunga at hindi mo kinukuha, ang mga bunga ay unti-unting mahihinog sa sanga at paglipas ng ilang araw, hinog na hinog na ‘yung mga mangga. Ano ang mangyayari rito kung hindi mo pa kinukuha? Kung hindi mahuhulog sa lupa, tiyak na kakainin ito ng mga ibon saka mahuhulog, tapos unti-unti na itong mabubulok hanggang sa hindi na mapakinabangan pa.
Ganundin ang buhay ng tao. Kapag alam mong hinog na hinog ka na, mas maganda kung mag-aasawa ka na kaysa matulad ka sa mangga na walang kumuha sa sanga. Ganyan din sa kapalaran, kumbaga, dumarating ang magagandang kapalaran sa eksaktong panahon sa ating buhay. Kaya lang ang problema, hinog na ang mangga, ayaw mo pang kumilos upang ito ay pitasin.
Sa ganu’ng paraan, kung tadhana ang nagbibigay ng magagandang kapalaran, siya ang instrumento para mahinog ang mangga, habang ikaw naman ang gagawa ng paraan upang pitasin ito at pagkatapos ay pakinabangan o kainin ang masarap na prutas at magdulot sa atin ito ng saya at walang kahulilip na ligaya.
Sa totoo lang, pang-asawa na ang edad 25 hanggang 31, pero ‘yung iba, lagpas-lagpas na sa edad 33 hanggang 45, ayaw pang mag-asawa. Ang tanong, bakit kaya? Maaaring wala kasi sa kanilang nagsasabing “Hoy mag-asawa ka na kaya,” at kumbaga sa mangga, “Hinog ka na, dapat ka nang pitasin,” at kapag hindi napitas ang hinog na mangga, darating ang panahong mabubulok ka, mahuhulog sa lupa at habambuhay nang mag-iisa.
Buti kung pinili mo talagang bokasyon ay ang magpakatandang dalaga tulad ng mga madre, maaari rin namang wala talaga sa pangarap o plano mo ang mag-asawa, pero paano kung mayroon? Ang mas marami ay ‘yung sitwasyon na gusto mo naman talagang mag-asawa, kumbaga sa mangga, nahinog ka sa sanga pero walang mga kamay na nagtangkang pumitas sa iyo.
Makapag-aasawa ka pa, Marjorie, kung pagdudugtong-dugtungin mo ang pagsulat sa iyong pirma dahil magkahiwalay ang letrang “M” at” D”. Ang kailangan o mas dapat, magdugtong-dugtong ang mga ito hanggang matapos ang iyong apilido sa letrang “Z” na may buntot na bilog. Sa ganyang lagda, tuluy-tuloy na umawas paagos ang iyong libido patungo sa malaya, masaya at romantikong relasyon habambuhay. Kumbaga kasi sa isang rosas na nakatanim sa paso, kaunting alaga at dilig pa upang tuluy-tuloy nang gitawan ng ubod na sa bandang huli ay siya ring magiging mabango at magandang bulalak. Ganundin sa pag-aasawa, kahit sabihin pang 40-anyos ka, kung gusto mo talagang mag-asawa, na madali namang kinumpirma at pinatunayan ng magkahiwalay na Head Line at Life Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad at buo ang iyong loob at kung ikaw lang ang masusunod, kayang-kaya mo itong gawin. ‘Yun nga lang, dahil hindi magkakadugtong ang iyong lagda, laging naaantala ang mga balak at gusto mong gawin sa buhay.
DAPAT GAWIN
Ngunit ngayon, ‘wag ka nang malungkot at mawalan ng pag-asa dahil ayon sa iyong mga datos, kahit 40 na ang iyong edad, kung sisimulan mong pagdugtungin ang iyong lagda, Kumbaga, isulat mo nang tuluy-tuloy, walang hinto o tigil ang ballpen, hanggang sa matapos hanggang dulo ng letrang “Z” na may bilog na buntot, kusang mangyayari ang lahat ng pangarap at adhikain mo sa buhay. Sa takdang panahon, makapag-aasawa ka at magkakaroon ng simple at panghabambuhay na pamilya na nakatakdang mangyari sa 2021, sa edad mong 41 pataas (Drawing A. at B. 1-M arrow b. at h-h arrow c.).




Comments