4 nagbebenta ng GCash account sa FB, kulong
- BULGAR

- Jun 1, 2023
- 1 min read
ni Mylene Alfonso | June 1, 2023

Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division (NBI-CCD) ang apat na indibidwal dahil sa ilegal na pagbebenta ng GCash account sa isinagawang serye ng operasyon sa Bulacan, Pasay at Maynila.
Kinilala ng NBI-CCD ang mga naaresto na sina Raul Malabon, Jerrica Sarmiento, Matthew Daniel Torres at Alexis Alviento.
Isinagawa ng NBI-CCD, ang serye ng operasyon matapos makatanggap ng impormasyon na ilang indibidwal ang sangkot sa laganap na bentahan ng GCash account sa pamamagitan ng Facebook.
Sa isinagawang online surveillance nalaman na ang Facebook accounts na “Principe Larjay”, “Jerrica Sarmiento”, “Francis Lucas”, at “Sixela Alviento” ay nagbebenta ng GCash account.
Ikinasa ng NBI-CCD ang mga entrapment operation at noong Mayo 22, 2023, nagpunta ang mga ahente sa San Jose Del Monte, Bulacan at naaresto sina Malabon at Sarmiento.
Noong Mayo 23, naaresto naman sa Pasay City si Torres at sa Maynila naman si Alviento.
Sinampahan ng kasong paglabag sa R.A. 8484 (Access Devices Regulations Act of 1998) in relation to R.A. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) ang mga suspek.








Comments