38-anyos, dapat gamitin ang lucky color para makapag-asawa pa
- BULGAR

- Oct 31, 2020
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 31, 2020
Dear Maestro,
Bakit hanggang ngayon ay wala pa ring pag-ibig na kumakatok sa aking puso gayung 38-anyos na ako? Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung tatandang dalaga ba ako? Noong nagtatrabaho ako, may nanliligaw naman sa akin, kaya lang, noong mga panahong ‘yun, priority ko ang aking pamilya hanggang sa nalibang ako at hindi na nabigyan ng atensiyon ang personal kong ikaliligaya.
Ngayon, nag-resign na ako sa aking trabaho at nagtayo ng sari-sari store sa bahay naming malapit sa main highway. Maestro, sa tingin n’yo, may pag-asa pa ba akong makapag-asawa at kung mayroon, kailan siya darating at magiging maligaya ba ako habambuhay? April 14, 1982 ang birthday ko.
Umaasa,
Jen ng San Juan North, Cabiao, Nueva Ecija
Dear Jen,
Bihira naman sa mga taong may birth date na 5 o 14 (ang 5 ay 1+4=5) na may zodiac sign Aries ang hindi nakapag-aasawa o tumatandang dalaga, ‘yun nga lang, minsan ay sadyang “late in life” na sila nakapag-aasawa, lalo na kung sila ay magiging busy sa trabaho o propesyon. At dahil five (5) ang birth date mo na may ruling planet na Mercury, ito ay nangangahulugang sa mabilis at walang alinlangan na pagkilos, magtatagumpay at liligaya ka, hindi lamang sa pag-aasawa kundi sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.
Kaya ang kailangan mong gawin ngayon ay palagi kang magmamadali sa bawat plano at pagkilos na nais mong ipatupad. Sadyang mahalaga na hindi ka dapat magdalawang-isip, o mag-alinlangan sa iyong mga inaaturga, sa halip, basta’t buo ang iyong kursunada at alam na alam mong ang gagawin mo ay para sa ikabubuti at ikagaganda ng iyong kapalaran, gawin mo agad ito nang mabilis at ora-mismo.
Dagdag pa rito, sa iyong pagkilos at pagpapatupad ng iyong mga balakin sa buhay, gamitin mo ang kulay na pula upang maakit mo ang isang mainit at matamis na pag-ibig dahil pula ang siya ring kulay ng zodiac sign mong Aries.
Kung medyo naiirita ka naman sa purong pula dahil sobrang tingkad nito, puwede ring pamalit sa pula ang pink, violet o lavender.
Bukod sa pula, pink at lavender, ang kulay na metallic blue, silver at iba pang kulay ng metal ay maaari ring isaalang-alang upang mas madali mong maakit ang magandang kapalaran, hindi lang sa pag-ibig kundi sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.
Mas makabubuti ring magsuot ka ng singsing na may pahiyas o bato na kulay pula na ipalalamuti mo sa silver na singsing. Ang nasabing talisman ang magbibigay sa iyo ng bagong sigla at lakas ng loob upang mabuhay ang iyong libido hanggang sa tuluyan kang magka-boyfriend at makapag-asawa.
Sa pagpili ng lalaking mamahalin at pakakasalan, isaalang-alang silang mga isinilang sa zodiac sign na Sagittarius, Gemini, Leo at kapwa mo Aries, ganundin silang mga lalaking isinilang sa buwan ng Mayo sa kahit anong zodiac sign, higit lalo kung ang nasabing lalaki ay may birth date na 5, 14, 23, 8, 17, 26, 9, 18, 27, 6, 15 at 24.
Habang, ayon sa iyong Love Calendar, basta sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad sa itaas, tiyak ang magaganap sa 2023 sa edad mong 41 pataas, magkaka-boyfriend ka na, makapag-aasawa, hanggang sa tuluyang makabuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments