top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

35-Anyos na pumatol sa pamilyado, may makikilala pang binata

BULGAR
May 4, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| May 4, 2022


Dear Maestro,


May boyfriend ako, pero may asawa na siya. Hindi ko kayang makipaghiwalay dahil natatakot akong tumandang dalaga. Gayundin, kahit alam kong mali ang aming ginagawa, sa edad kong 35, siya lang ang pinagkalooban ko ng aking pagkababae at siya lang din ang lalaking nakapagpapaligaya sa akin.


At kahit sabihing may kahati ako sa pag-ibig niya, okey lang dahil maligaya naman ako sa ganu’ng sitwasyon. Ang ikinakatakot ko, baka dumating ang araw na bawiin siya ng tunay niyang asawa at alam kong wala akong magagawa dahil hindi naman siya talaga sa akin.


Sa palagay n’yo, Maestro, magtatagal ba ang aming relasyon at darating din ba ang araw na masosolo ko siya? March 16, 1988 ang birthday ko at August 10, 1975 naman ang boyfriend ko.


Umaasa,

Mia ng San Vicente, Rosales, Pangasinan


Dear Mia,


Malamang, alam mo ang ibig sabihin ng pagnanakaw dahil simple lang naman ang depinisyon ng salitang “nakaw”, kinuha mo ang pag-aari ng iba. At dahil hindi naman sa iyo ang bagay na ‘yun, lumalabas na magnanakaw ka. Kapag naman halos walang gaanong halaga ang iyong kinuha, halimbawa ay barya sa silid ng iyong kapatid o ballpen ng kasamahan mo sa opisina o nagandahan ka sa kanyang suklay at imbes na isauli ay ibinulsa mo. Ang tawag sa mga sitwasyon na ‘yun ay “pang-uumit”. Inumit mo lang ang nasabing bagay dahil hindi naman ‘yun masyadong mahalaga. Ibig sabihin, hindi ka gaanong nagkakasala nang mas mabigat na salitang “pagnanakaw”.


Pero ang nakihati ka sa asawa ng ibang babae, maaaring hindi pa rin matatawag na pagnanakaw ‘yun dahil hindi mo pa naman inuuwi sa inyo ang nasabing lalaki. Sa ibang salita, parang pang-uumit lang ‘yun sa asawa ng iba. Subalit sa sandaling ibinahay ka na o inuwi mo sa inyo ang lalaking may asawa na, kaya naman iniwan niya ang kanyang pamilya,’yun ang matatawag na pagnanakaw.


Kung saan, kung ako ang susulat ng batas hinggil sa moralidad, ang kasalanang tinutukoy natin sa itaas ay sadyang napakabigat dahil bukod sa pakikiapid o pangangalunya, lumalabas na magnanakaw ka pa ng asawa. Lalo na kung ang asawa ng isang babae ay hindi mo na isasauli sa kanya kailanman.


Kaya magandang payo na huwag mo nang pangarapin pang solohin ang boyfriend mong pamilyado. At kung hindi mo siya kayang iwasan, makuntento ka na sa “pang-uumit”, pero ang pagnasahan mo pa siyang maiuwi o maibahay ka niya upang maging panghabambuhay na ang inyong pagsasama, kung saan maoobliga siyang iwanan ang kanyang pamilya, makonsensiya ka naman.


Samantala, tugma sa birth date mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) na weak number at ang birth date na 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) ng iyong kalaguyo na isang strong number. Ito ay nagpapahiwatig na iniisahan ka lang ng nasabing lalaki. Kumbaga, maaaring may edad o matanda na ang misis niya at dahil medyo mas maganda at may dating ka, gayundin, malinis nang ikaw ay kanyang nakuha, isipin pa nating medyo mapera ka pa at maaaring napapautang mo siya sa panahong siya ay nangangailangan, dahil “weak number” ang birth date mong 7, posibleng ginagamit ka lang ng nasabing lalaki. Kaya naman habang may relasyon kayo, hindi niya pa rin iiwanan ang tunay niyang asawa, higit lalo kung compatible naman sila sa Astrology at Numerology.


Kaya tulad ng naipaliwanag na, kung hindi mo mapipigilan ang paggawa ng kasalanan dahil posibleng bago pa lang ang inyong relasyon, ‘wag mo nang tangkain na solohin ang boyfriend mo upang hindi ka gaanong magkasala.


Samantala, kapag dumating ang punto na isa sa inyo ang natauhan at tuluyan kayong naghiwalay, sa susunod na pag-ibig, maghanap ka ng lalaking binata o walang pananagutan sa buhay, na isinilang sa zodiac sign na Cancer, Scorpio, Virgo o kapwa mo Pisces, na may birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 1, 10, 19 at 28. Sa piling ng nasabing lalaki, tiyak ang magaganap— makakasumpong ka ng maligaya at panghabambuhay na pag-ibig.


Sa naturang panahon, ayon sa iyong Love Calendar, sa taong 2024 at sa edad mong 36 pataas, masosolo mo na ang nasabing lalaki, wala ka nang makakasosyo at makakabuo kayo ng maligaya at panghabambuhay na pagpamilya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page