top of page

32-Anyos na taong uno, makakapag-asawa kahit aminadong ‘di byuti

  • BULGAR
  • Apr 30, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 30, 2022


Dear Maestro,


Dalaga pa rin ako sa edad na 32. Hindi ako kagandahan, medyo maliit, may pagka-chubby at hindi matangos ang aking ilong. Wala ring nagkamaling manligaw sa akin noong nag-aaral pa ako dahil alalay lang ako ng mga kaibigan kong magaganda habang maraming nanliligaw sa kanila.


Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung may pag-asa pa ba akong makapag-asawa kahit hindi naman ako maganda? Gusto ko na kasing mag-asawa at magka-anak, matutupad ba ang pangarap kong ito at kung oo, kailan ito magkakatotoo? October 19, 1989 ang aking birthday.


Umaasa,

Rowella ng Bulihan, Malvar, Batangas


Dear Rowella,


Ibig mong sabihin, hindi ka kagandahan, pero dapat alam mong maraming hindi magaganda na nakapag-asawa, pero sa totoo lang, hindi nakapagtataka dahil kahit ganu’n ay malakas ang sex appeal nila.


Kaya ang kapangitan ay masasabing hindi hadlang para makapag-asawa, pero ‘yung wala kang appeal sa mga lalaki ay maaaring dahilan upang hindi makapag-asawa ang isang babae. Kaya ang dapat nating sagutin ay kung paano lalakas ang iyong sex appeal, gayung 32-anyos ka na ngayon?


Madali lang naman ang sagot. Maligo ka araw-araw o dapat palagi kang amoy mabango at mukhang bagong paligo. Pagkatapos, subukan mong magsuot ng mga hapit mga bestida. Puwede ‘yung mga kasuotang nauuso na spaghetti ang style ng damit o naka-hang ang damit at halos kita na ang pusod at kilikili.


Ang mga kasuotang ‘yan ay talaga namang nagpapalakas ng sex appeal, lalo na kung ang babae ay medyo sexy na maputi, sabayan pa ng medyo maikli na kulay puti o itim na short na hapit din.


Sasabihin ng iba, “Baka naman mabastos ka sa ganyang kasuotan?” Ang sagot ay, hindi naman kung isusuot mo ‘yan sa panahong may mga kasama kang kaibigan at kung hindi ka naman naglalakad mag-isa sa madilim na lugar. Ligtas ka pa rin sa pambabastos, basta’t kapag suot mo ang nabanggit na mga damit, tahimik ka lang at mahinhin ka pa ring kumilos.


Gayunman, kahit hindi mo na isuot ang nasabing mga kasuotan, kung may nakatakdang pag-aasawa sa iyong palad, na nakalulungkot isiping hindi mo naman inilakip sa iyong liham ang photocopy ng iyong palad, tiyak na makapag-aasawa ka kahit hindi ka kagandahan.


At dahil wala kang larawan ng palad, ang aanalisahin natin ay ang birth date mong October 19, 1989. Kung saan, kailangang makipagkaibigan ka sa mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini, Aquarius, Aries at kapwa mo Libra, na may birth date na 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 4, 13, 22, 31, 6, 15, 24, 9, 18, 27, 3, 12, 21 at 30, kung saan darating ang takdang panahon na ang kapalaran ay huhugot sa nasabing mga zodiac sign at birth date na lalaking makakasama mo habambuhay.


Samantala, dahil 19 o 1 (ang 19 ay 1+9=10/ 1+0=1) ang birth date mo, tunay ngang hindi totoong wala kang appeal sa mga lalaki dahil bihira naman sa mga taong may birth date na 1, 10, 19 at 28 ang hindi nakapag-aasawa. Kumbaga, likas sa kanila ang may “magnetic personality”. Kaya dapat palagi ka lang maglalabas ng bahay habang nakasuot ng kulay na dilaw at pula na kasuotan.


Sa ganyang paraan, tiyak ang magaganap, ayon sa iyong Love Calendar, sa taong 2023 hanggang 2024, isang lalaking balingkinitan ang katawan, semi-kalbo at medyo kayumanggi ang kulay ng balat ang darating. Sa nasabing panahon at sa edad mong 33 pataas, makapag-aasawa ka na at habambuhay na magiging liligaya.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page