3 Paraan para yumaman ang mga taong singko
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| May 2, 2022
Dear Maestro,
Minsan ay nabasa ko sa inyong kolum na yumayaman ang mga Taong Singko o silang may mga birth date na 5, 14 at 23. November 5, 1982 ang birthday ko, pero bakit 39-anyos na ako, pero hanggang ngayon ay puro hirap at pagtitiis pa rin ang aking nararansan?
Nagtatrabaho ako bilang kasambahay, habang ang mister ko ay walang trabaho. Pa-extra-extra lang siya sa construction, kaya mas madalas na wala siyang kinikita, dahil hindi naman siya gaanong kagalingan na mason.
Sana ay ituro n’yo ang paraan kung paano ako yayaman para sa aking limang anak at para mapagtapos ko sila ng kolehiyo at hindi matulad sa aming mag-asawa na hanggang elementary lang ang inabot kaya kami ganito.
Umaasa,
Annalyn ng San Roque, Cardona, Rizal
Dear Annalyn,
May tatlong paraan para yumaman ang mga Taong Singko. Una, sa walang habas na pag-a-abroad. Kaya tatanungin kita, sumubok ka na bang mag-apply sa ibang bansa? Kung hindi pa, hindi ka nga yayaman dahil hindi mo naman sinusunod ang nakatakda sa iyo.
Pangalawa, hindi naman natin puwedeng sabihing mag-asawa ka ng mayaman dahil karamihan sa mga taong may bitbit na numerong 5, 14 at 23 ay malakas ang tsamba o kadalasang nakakapag-asawa ng mayaman o yumayaman sa pag-aasawa. Ang problema, kaya hindi natin masabi sa iyo ‘yan ay dahil may asawa ka at wala siyang regular na kita.
Pangatlo, para yumaman ang mga Taong Singko, dapat magnegosyo ka. ‘Yan ang puwede mong gawin ngayon. Isipin mo kung saan ka magaling. Halimbawa, masarap kang magluto o magaling kang mag-alok o may convincing power ka sa pagtitinda, lalo na kung ikaw ay nagtataglay ng malaking nunal sa kahit saang bahagi ng iyong mukha, subukan mong magnegosyo.
Kaya kung ikaw ay namamasukan bilang kasambahay at masaya ka na sa ginagawa mo, malabo ka talagang yumaman dahil hindi naman ‘yan ang sinasabi ng Kabalistic of Numbers. Hindi sinasabing pumasok ka ng kasambahay at yayaman ka, sa halip, tulad ng naipaliwanag na, may tatlong paraan upang yumaman ang mga Taong Singko na dapat mo nang simulan ngayon.
Kung halimbawang nagpasya kang mag-apply sa abroad o magnegosyo, ugaliin mong isuot ang pamosong suwerteng kulay ng mga Scorpio, ang kulay na pula, habang ang secondary color naman ng Scorpio ay berde.
Kung paiiralin naman ang number mong 5, dapat magsuot ka ng alahas na silver. Mientras mataas ang kalidad o antigo, sigurado ang magaganap — ang alahas na ‘yan ang hihigop ng dagdag pang suwerte at magandang kapalaran, lalo na kung palalamutian mo ‘yan ng mapalad na bato para sa mga Scorpio – ang batong topaz.
Samantala, kung wala ka namang mahanap na batong topaz, puwede na ang kahit na ano’ng uri ng bato, basta kulay pula, berde o colorless.
Habang sa sandaling sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas at nilagyan mo ng bahagyang inobasyon ang ending ng iyong lagda na sa halip na pasubsob ito tinapos ay tapusin mo sa straight line, sigurado na ang magaganap sa taong kasalukuyan at sa edad mong 40. Habang pumapasok ang edad mo sa 41, sa susunod pang mga taong 2023 at 2024, mararamdaman mo na ang nakatakda para sa mga Taong Singko na tulad mo – mabilis at wala sa hinagap na pag-unlad, hanggang sa hindi mo na mamamalayan pa na mayamang-mayaman ka na.




Comments