3 Mansanas, pahiwatig ng mga sakripisyo para sa pamilya
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 23, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Domingo ng Nueva Ecija.
Dear Maestra,
Gustong-gusto kong basahin ang kolum n’yo dahil hanga ako sa pag-aanalisa n’yo ng mga panaginip, kaya gusto ko ring magpaanalisa ng aking panaginip.
Napanaginipan ko na nasa restoran ako. Habang naghihintay ako ng order, nakita ko ‘yung isang customer na malapit sa table ko, ganadong-ganado siyang kumain dahil sarap na sarap siya sa mga pagkaing nasa harapan niya. Maya-maya ay kumain naman siya ng mansanas at sarap na sarap din siya, tapos tatlong mansanas ang nakain niya.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Domingo
Sa iyo, Domingo,
Ang panaginip mo na nakita mong ganadong-ganado kumain ‘yung customer na malapit sa table mo ay nagpapahiwatig na hindi magtatagal ay makakakilala ka o magkakaroon ka ng mayamang-mayamang kaibigan.
Gayunman, ang restoran ay nangangahulugan na mapapasama ka sa isang walang kabuluhang tsismisan.
Samantala, ‘yung sarap na sarap ding kumain ng mansanas ang costumer na malapit sa table mo ay nangangahulugang magtatagumpay ka sa mga binabalak mong gawin.
Habang ‘yung tatlong mansanas ay nagpapahiwatig ng mga sakripisyo at pagtitiis sa buhay, alang-alang sa pamilya mo, subalit lahat ng ‘yan ay may gantimpalang kapalit mula sa Dakilang Kataas-taasan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments