Search
  • BULGAR

2nd Pinoy boxer panalo sa U.S., banta ng pandemya, wa’ epek

ni Gerard Arce - @Sports | June 30, 2020




Isa na namang Filipinong boksingero ang nagwagayway ng bandila ng Pilipinas at nagbigay ng panibagong karangalan sa bansa kasunod ng pagkakapanalo ng isang Pinoy noong nakalipas na linggo sa U.S.


Nakaligtas si Reymond Yanong (11-5-1, 9KOs) sa 6th round knockdown para makamit ang pambihirang panalo sa pamamagitan ng isang split decision victory laban sa Amerikanong si Clay Burns (9-8-2, 4KOs) noong Hunyo 25, Huwebes ng gabi (Biyernes sa Pilipinas) sa The Bubble sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.


Nahagip ng 26-anyos na tubong-Escalante, Negros Occidental ang panalo sa pamamagitan ng pagsang-ayon ng dalawang huradong sina Julie Lederman (59-55) at Chris Migliore (58-56), habang ibinigay ni Tim Cheatham ang 58-56 kay Burns para sa 6-round super-lightweight fight.


Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Filipino boxers sa American soil ngayong kasagsagan ng coronavirus pandemic matapos matagumpay na nakuha ni Mike “Magic” Plania ang 10-round majority decision laban kay Joshua Greer Jr.


Bahagyang nahirapan ang nabansagang “The Robocop” na ibato ang kanyang mga suntok sa unang dalawang rounds ngunit nagawa na nitong makapa ang kalaban kung kaya’t masigasig itong bumakbak sa ikatlo hanggang huling round upang matamo ang panalo.


Pinalasap ni Yanong ang kanyang mga jabs at mga solidong kanang suntok na sapat upang payanigin ang Forth Worth, Texas-native.


Kung gaano kabilis ang pagsisimula ng 33-anyos na si Burns sa unang dalawang rounds, ay ganoon din kabilis ang pagka-ubos ng gasolina nito matapos manamlay sa mas batang Filipino boxer na nagawa pang magpamula ng pisngi nito.


Tila alam na nitong kailangan niyang maghabol, ibinuhos ni Burns ang buong lakas upang mapabagsak si Yanong sa 6th round, ngunit hindi ito naging sapat para makuha ang pulso ng mga hurado.


Nakabawi ito sa huling talo niya laban sa undefeated na si Frank Martin (11-0, 8KOs) noong Pebrero 28 sa Sam’s Town Hotel & Gambling Hall sa Las Vegas sa pamamagitan ng technical knockout.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.