28-Anyos na torpe, makakapag-asawa pa rin
- BULGAR
- Jun 9, 2022
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 9, 2022

KATANUNGAN
Umabot ako ng edad 28, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nagkaka-girlfriend nang seryoso. Totoo pala ang sinabi n’yo na kapag 7 ang birth date ay medyo torpe at mahiyain. Gayunman, naniniwala ako na may itinakdang babae para sa akin, hindi ko lang alam kung paano at kailan siya dadating.
Nais kong ipabasa sa inyo ang guhit ng aking mga palad upang malaman kung kailan ako magkaka-girlfriend. May nililigawan naman ako ngayon, pero dahil mahiyain ako, hindi ko magawang maipagtapat agad sa kanya ang aking saloobin na sana ay ganundin ang saloobin o pagtingin niya sa akin.
KASAGUTAN
Kung hindi man torpe, sadyang mahiyain ang mga lalaking isinilang sa mga petsang 7, 16 at 25, kaya ang nagiging resulta ay hindi sila marunong manligaw. At sa edad mong 28, hindi kataka-taka na wala ka pa ring girlfriend. Ang isa pang dahilan ay dahil kulang sila sa harot at biro kaya matumal ang dating sa kanila ng mga babae.
Kung ikukumpara ang mga Taong Siete (7) (mga isinilang sa petsang 7, 16 at 25) sa mga Taong Uno (1) (mga isinilang sa petsang 1, 10, 19 at 28), sila ay saksakan ng harot at palabiro sa mga babae. Kaya kadalasan, ang mga Taong Uno, may girlfriend na siya, pero may panibago pang babae. Kumbaga, kung sa mga Taong Siete, matumal ang dating ng mga babae, habang ang mga Taong Uno ay sadyang mabili at kadalasan, ang dami nilang nagiging kaibigang babae, na sa bandang huli ay nagiging karelasyon din nila.
Sa madaling salita, Alvin, para magka-girlfriend ka, hindi tama na palagi kang seryoso at tahimik. Hindi rin maganda na wala kang biro sa iyong kausap, lalo na kapag nakikipag-usap ka sa mga babae. Tandaan, ang lahat ng tao ay malungkot at naghahanap ng saya, ganundin ang mga babae. Kailangan mo silang patawanin, pangitiin at pasayahin habang kausap mo sila at ‘pag nagawa mo ‘yan, magiging madali para sa iyo ang magka-girlfriend.
Gayunman, magkaka-girlfriend ka ngayong taon. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isa at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) na sadyang lumapit sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na tulad mo rin ang nais mangyari ng iyong kapalaran— nagmamadali na rin siyang bigyan ka ng girlfriend sa edad mong 28 at ikaw lang ang hinihintay niya.
Kung babaguhin mo ang istilo ng iyong panliligaw o pakikipagkuwentuhan sa mga babae, tiyak na sa nasabing panahon, kapag seryoso pero masaya kang kausap, kusa kang magugustuhan ng babae na iyong liligawan o makakakuwentuhan.
MGA DAPAT GAWIN
Tandaan mo ang sikreto ng pakikipagkapwa-tao, panliligaw at malalim na pakikipagkaibigan — kausap ang kailangan ng lahat ng indibidwal at sa pakikipag-usap, nare-recognize ang kahalagahan ng bawat isa. Sa panliligaw ay ganundin, kausapin mo nang kausapin ang crush mo, libangin mo siya at i-recognize mo ang kanyang mga positibong katangian sa bandang huli, kusa na rin siyang mapapamahal sa iyo dahil sa bilyun-bilyong tao sa buong mundo, ikaw lang ang sobrang nakapansin at naging caring sa kanya.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Alvin, sundin mo lang ang mga rekomendasyon sa itaas at ‘pag nagawa mo ‘yan, tulad ng nasabi na, sa taon ding ito ng 2022 at sa buwan ng Oktubre, magkaka-girlfriend ka, hatid ng babaeng isinilang sa zodiac sign na Taurus.




Comments