25-years nagsama… Misis, suko na sa paninigaw at laging galit na asawa
- BULGAR
- Aug 2, 2023
- 4 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | August 2, 2023
Dear Maestro,
More than 25-years na kaming nagsasama ng mister ko. Maganda naman ang aming financial status, at marami na rin kaming naipundar.
Dating OFW ang mister ko, pero sa totoo lang pinagpapasensyahan ko lang ang ugali niya.
Madalas kong mabasa ang tungkol sa taong otso na sinasabi n’yong mahirap pakisamahan.
Ganu’n ang mister ko, masyado siyang matapang kaya kahit asawa ko siya ‘pag nandito siya ay natatakot ako.
‘Ika nga nila, lahat ay may hangganan. Kaya ngayon ay parang napagod na ako sa kanya, maya’t maya siya nakasigaw sa akin.
Hindi naman kasi niya nakikita noon sa mukha ko na nagdaramdam ako sa ganu’ng pag-uugali niya dahil ayoko ng gulo, kaya rin siguro namihasa siya.
Ang hindi niya alam ay itinanim ko ‘yun sa puso ko, kaya ngayon ay wala na akong nararamdamang respeto at pagmamahal sa kanya.
Maestro, mahirap pala ang pagsasama na walang pagmamahal na namamagitan sa inyo? Wala ng sarap, lalo na pagdating sa sex. Respeto na lang sa sarili ko ang natitira sa akin pero hanggang kailan ako magtitiis sa ganito kong nararamdaman?
Magtatagal pa ba kami ng asawa ko at ano ang dapat kong gawin? Sa ngayon ay may dalawa na kaming anak.
Naisipan kong ibahagi sa inyo ang aking karanasan, kasi nalilito na ako. Aabangan ko ang iyong payo. Maraming salamat!
Umaasa, Delia ng Karuhatan, Valenzuela City
Dear Delia,
Alam mo Delia, kung wala ka namang karelasyong ibang lalaki sa kasalukuyan, mas mabuti pang pagtiisan mo na lang ang pag-uugali ng iyong walang kuwentang asawa, alang-alang na lamang sa inyong mga anak.
Sa ganu’ng paraan, masasabi nating sa edad mong 49 ay hindi naman masamang banggitin na tanggapin mo na lang na ang ikakaligaya mo ay ang makita mong successful sa career at pagpapamilya ang iyong dalawang anak.
Sa aktuwal na senaryo maraming mga misis na may asawang otso na bagama’t yumaman nga sila ay nagtiis at nagpakamartir naman silang pakisamahan ang mga taong otso. Subalit, dahil sa pagtitiis na iyon, tulad rin nang nangyari sa inyong pamilya ngayon, yumayaman at lalo pang umunlad ang kanilang kabuhayan.
At base sa iyong karanasan, maiisip mo ngayon na pantay-pantay lang pala halos ang buhay ng tao. Nangyari, dahil may mga mag-asawang mayayaman, pero humbak naman ang kanilang puso at hindi naman pala masaya ang buhay ni misis sa piling ng mayaman niyang asawa.
Sa kabilang banda, may mag-asawa namang mahirap lang. Sabihin na nating isang kahig-isang tuka, ay kapwa naman maligaya ang pagsasama.
Tama si Kuya Manoling ng minsang nagkakuwentuhan kami, wika niya: “Honorio ‘wag kang mainggit, dahil pantay-pantay lang ang lahat ng ‘yan, ang bawat tao ay may kani-kanyang pasanin sa buhay!”
Kahirapan sa buhay ang pinapasan ng iba, dahil halos wala na silang makain, pero maayos at maligaya pa rin ang samahan ng kanilang pamilya, lalo na ang sexual at emotional ng mag-asawa.
Kalusugan, sakit, malubhang karamdaman, ang pinapasan ng iba. Habang sa kabila ng pasaning iyon, walang nagawa ang kanilang napakaraming pera, upang dugtungan pa ng konti ang may taning na buhay ng kanilang pamilya.
Hiwalay naman sa asawa at ‘di makatagpo ng tapat at panghabambuhay na pag-ibig ang pinapasan ng iba. Sa kabila ng katotohanan hindi rin magawa ng salapi at kayamanan nila na makabili ng isang masaya, panatag at panghabambuhay na karelasyon.
Mga anak na may kapansanan, mga anak na gumagamit ng bawal na gamot, palaboy, at sakit ng ulo, ang pinapasan naman ng ilang mga magulang, kahit na sabihing masagana na sana ang kanilang pamumuhay, ngunit puro sakit naman ng ulo ang laging dala ng isa sa mga suwail at black sheep na anak.
Maraming utang, maraming maniningil, maraming mga obligasyon na dapat bayaran ang pinapasan ng iba, pero good pa rin naman ang pagmamahalan nila, ayon sa kanila “Kung wala lang sana tayong utang, masaya na sana ang ating pamilya.”
Nasa abroad naman ang mga magulang ng ilang mga anak kaya ito ang pasanin nila sa buhay. May laptop nga sila, latest model na cellphone at high tech na gadgets, pero wala naman ang init ng pagmamahal ng kanilang mga magulang na dapat sanay nag-aaruga sa kanila.
Ang iba naman ay ang labis na katandaan mismo ang pasanin sa buhay. ‘Yung bang 70’s or 80’s, subalit sa kabila ng ganu’ng edad, at labis na katandaan natatakot pa rin silang harapin ang kanilang hantungan.
Tama nga si Kuya Manoling, lahat tayo ay may kani-kanyang pasanin. Sapagkat ang mga suliraning binanggit sa itaas, ay mawawari mong bahagi na ng buhay.
Kaya nga Delia, mula sa araw na ito pag-aralan mong tanggapin ng maluwag sa iyong loob ang pasaning ipinagkakaloob sa iyo ng tadhana - ang walang kuwenta, walang puso at kahit na sabihin nating nawala na rin ang pagmamahal mo sa iyong asawa, habang kasabay nito, lubos at masarap ang mga biyayang ipinagkaloob naman sa iyo ng Maykapal, na hawak mo sa kasalukuyan.
Kung ano ang meron ka, magpakaligaya ka! Gawin mong masaya ang iyong buhay, dapat mo ring ituon ang iyong pansin sa tama at nasa ayos na pag-aaruga ng iyong mga anak, dahil sa sandaling naging successful na silang lahat, ang mga anak din namang ito at pati na ang iyong mga magiging apo, ang magbibigay sa iyo ng saya at ligaya habambuhay lalo na sa panahon ng iyong pagtanda.
Comentarios