22-anyos na NBSB, feeling walang sex appeal
- BULGAR
- Jan 21, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 21, 2022
Dear Maestro,
Matagal na akong sumusubaybay sa inyong mga artikulo sa BULGAR at minsan ay nasabi n’yo sa inyong kolum na malakas ang sex appeal ng mga Scorpio, pero parang hindi applicable sa akin ‘yun at hindi ko naman nararamdaman. November 11, 1999 ang birthday ko at hindi ko nararamdaman na malakas ang sex appeal ko dahil hanggang ngayon ay wala pa rin akong boyfriend. Kailan ako magkaka-boyfriend at ‘yung crush ko ba ang magiging first boyfriend ko?
Umaasa,
Ms. Scorpio ng Pansol, Balara, Quezon City
Dear Ms. Scorpio,
Akala mo lang na hindi malakas ang sex appeal mo, pero sa totoo lang, malakas ang sex appeal mo pero hindi mo lang alam gamitin. Ang isa pang hindi mo namamalayan, sa sobrang lakas ng sex appeal mo, maaaring pati kapwa mo babae ay magkagusto sa iyo.
Gayunman, may paraan para lalo pang lumakas ang iyong sex appeal. Ayon sa birth date mong 11 o 2 (ang 11 ay 1+1=2), sa zodiac sign na Scorpio at destiny number na 5 (11+11+1999=2021/ 20+21=41/ 4+1=5), ganito ang gawin mo para lalo pang lumakas ang iyong sex appeal.
Una, tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 15, at 24, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa mga araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, magsuot ka ng kulay na pula.
Tuwing sasapit naman ang mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 8, 17, 26, 4, 13, 22, 31, 1, 10, 19 at 28, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Lunes, Sabado at Linggo,
magsuot ka ng kulay na berde. Sa ganyang paraan, kusang mahihigop ng iyong personalidad ang suwerte na may kaugnayan sa pag-ibig at pakikipagrelasyon.
Pangalawa, palagi mong bilisan ang iyong kilos, pagsasalita, pagsusulat at sa lahat ng bagay, kailangang mabilis ka. Huwag kang magdadalawang-isip at babagal-bagal, sa halip, anuman ang maisip mo ay gawin mo agad. Sa ganyang paraan, hindi lang sex appeal ang lalakas sa iyo, lalakas din ang will power mo, na siyang hihigop ng mas marami pang suwerte at magagandang kapalaran, lalo na sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon.
Pangatlo, ang mga Scorpio ay lalong gumaganda at nagiging mas kaakit-akit kapag sila ay nagagalit. Kaya ‘wag mong gagayahin ang style ng ibang mga tao na palaging tahimik at walang kibo sa isang tabi at nagbabait-baitan. Sa halip, palagi kang makilahok sa mga usapan, palagi kang bumangka at kapag ginalit ka nila at nakita ka ng mga lalaki habang ikaw ay nagagalit, ganito ang masasabi nila, “Wow, lalo siyang gumaganda!”
Gawin mo muna ang tatlong paraang nabanggit at makikita mo na sa taon ding ito ng 2022, sa edad mong 22 pataas, kusang darami ang mga lalaking maaakit sa iyo hanggang sa tuluyan ka na ring magkaroon ng isang matiyas at maligayang relasyon, na hatid ng isang lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Cancer.




Comments