21-anyos na suko sa striktong magulang, gusto nang lumayas
- BULGAR
- Nov 7, 2022
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | November 7, 2022
Dear Sister Isabel,
Kasalukuyan akong nag-aaral sa kolehiyo, pero ang problema ay masyadong mahigpit ang mga magulang ko. Nasasakal na ako sa sobrang higpit nila, gayung 21-anyos na ako, pero hindi ko pa magawa ang mga bagay na gusto ko. Bawal din akong mag-boyfriend hangga’t hindi pa ako tapos ng pag-aaral. Dahil d’yan, gusto ko nang lumayas sa bahay namin, maghanap ng part time job at mamuhay nang solo at malayo sa mga magulang ko.
Sa edad ko ay natural lamang na magkaroon ng love life, pero tulad ng nasabi ko, hindi payag ang mga magulang ko. Naiinggit ako sa aking mga kaibigan na malayang nagagawa ang gusto nila dahil maunawain ang mga magulang nila at hindi tulad ng parents ko na sobrang strikto.
Tama ba ang iniisip ko na umalis na sa puder ng mga magulang ko para magtrabaho at mamuhay nang naaayon sa aking kalooban?
Nagpapasalamat,
Loida ng Sta. Maria, Bulacan
Sa iyo, Loida,
Natural lang sa mga magulang na higpitan ang kanilang mga anak habang nag-aaral at wala pa sa tamang edad para magsarili. Sana ay maunawaan mo na gusto lang nilang mailagay sa ayos ang buhay mo, makatapos ka ng pag-aaral at maging matagumpay sa iyong buhay. Marahil, iniisip nila na kung sasabayan mo ng pakikipag-boyfriend ang iyong pag-aaral ay hindi ka makakatapos at mabubuntis ka pa nang wala sa panahon. Gayunman, ipinapayo ko na sundin mo na lang ang mga magulang mo. Tiisin mo na lang ang pagiging strikto nila dahil para rin naman ‘yan sa sarili mong kapakanan.
Mabilis lang lumipas ang panahon. Hindi mo mapapansin na tapos ka na pala sa kolehiyo at puwede mo nang gawin ang lahat ng gusto mo para sa ikatutupad ng mga pangarap mo sa buhay. Ang pag-ibig o boyfriend ay nand’yan lang at hindi ka mauubusan ng taong magmamahal sa iyo, basta siguraduhin mo na tama ang pagpili mo. Gayundin, gamitin mo ang iyong isipan at hindi basta puso lamang upang hindi lumuha balang-araw.
Naniniwala akong pagpapalain ka ng Diyos sa pagiging masunurin mo sa iyong mga magulang. Huwag mong ipagpilitan ang pansariling hangarin at tiyak na ikaw ay pagpapalain habambuhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments