2027 World Cup at 2028 L.A. Olympics, babanat ang Gilas
- BULGAR

- Jul 8, 2024
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 8, 2024

Sa gitna ng pagkabigo ay nananatiling positibo ang Gilas Pilipinas matapos ang 60-71 pagyuko sa Brazil sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament semifinals noong Sabado sa Arena Riga. Hindi nila inaasahan na aabot sila at nakahanda na ang tiket pauwi ng bansa.
Hindi maitago ni Coach Tim Cone ang panghihinayang, lalo na at nasayang ang kanilang 33-27 bentahe noong halftime matapos lumamang ng 24-12. Ginawang pisikalan ng mga Brazilian ang laro sa pangatlong quarter at iyan ang hudyat ng kanilang pagbagsak.
Malaking bagay ang pagliban ni Kai Sotto. Nasaktan ang kanyang tadyang sa laro kontra Georgia kaya napilitang maglaro ng mas matagal sina June Mar Fajardo at iba pa nilang malaki.
Pinagkaisahan ng mga beterano ng NBA Bruno Caboclo at Christiano Felicio si Fajardo. Pinatunayan ng Brazil bakit sila ang #12 sa FIBA Ranking at inihatid ng 41 anyos na dating Los Angeles Lakers point guard Marcelinho Huerta sang mga pandiin na puntos sa huling quarter.
Ang susunod na hakbang ay ipagpatuloy ang programa hanggang 2027 FIBA World Cup sa Qatar at 2028 Los Angeles Olympics. Alam na ng Gilas na kaya nilang sumabay sa mga higanteng bansa.
Ginawa ng host Latvia ang inaasahan sa kanila at dinurog ang Cameroon sa isa pang semifinal, 72-59, upang itakda ang salpukan sa Brazil para sa nag-iisang tiket patungong Paris Olympics. Nagtala ng 20 si Rihards Lomazs habang 13 si Rolands Smits.
Ang magwawagi ay ilalagay sa Grupo B kasama ang host Pransiya, 2023 FIBA World Cup kampeon Alemanya at Japan. Ang Men’s Basketball ay gaganapin sa Decathlon Arena para sa group stage simula Hulyo 27 at Accor Arena para sa knockout playoffs simula Agosto 6.








Comments