Permiso ng GAB, hihingin ng URCC para sa MMA event
- Gerard Arce
- Jun 20, 2020
- 2 min read

Hihilingin ni Universal Reality Combat Championship (URCC) president Alvin Aguilar sa pamunuan ng Games and Amusement Board (GAB) na maidaos ang kanilang mixed-martial arts event sa isang pribadong lugar na may kaakibat na health and safety protocols na susundin.
Aminado ang 46-anyos na pinuno ng 18-year-old sports fighting event na mahigpit nilang susundin ang mga alituntunin at patakaran na inilabas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at Department of Health kaugnay ng pagsasagawa ng Rapid at Swab testing bago ang mga laban sa mismong araw ng kumpetisyon, gaya ng ginagawa ngayon ng Universal Fighting Championship (UFC) at ng Top Rank boxing na idinaraos sa estado ng Nevada, partikular na sa Las Vegas.
“We will always follow the rules and law in our country, but we’ll need to try asking the GAB to give us permit to operate and also a go-signal from the Task Force and the DOH,” pahayag ni Aguilar sa panayam ng BULGAR sa telepono. “We will send the proposal to GAB and if they agreed we’ll go with it, and we’re ready,” dagdag nito.
Nito lamang nakaraang araw ay nakipagtulungan ang GAB sa DOH upang gumawa ng isang Joint Administrative Order na nagmumungkahing palaganapin ang pagsasagawa ng health and safety protocols para sa mga porpesyunal na palakasan.
Iniatas ng IATF-EID ang direktibang ito kay GAB chairman Abraham Mitra matapos umapila ang ilang mga professional sports sa bansa na maituloy na ang kanilang mga laro kasunod ng pagpapatigil sa mga ito dulot ng pananalasa ng coronavirus disease (Covid-19) pandemic.
“As a matter of fact, we know na delikado pa, but once na they already approved it at sabihin nilang puwede na, then we have venues and tentaive dates to fill up our events, but as of now we’re waiting and hoping,” saad ng pinuno ng Wrestling Association of the Philippines (WAP).
Isa pa sa mga pinupuntiryang event ni Aguilar ay ang malaking MMA fight cards sa Araneta Coliseum.
“Ayoko namang maging katulad nung isang Muay Thai event sa Thailand ang event namin. That’s why we want a very secured and safety place for our fighters,” wika ng De La Salle University graduate. “We will be strict harder on the testing before the games and even the day before tha game happens. But first, we need their approval first,” dagdag nito.





Comments