Kakulangan sa transpo, masosolb na… Sana
- Editoryal
- Jun 20, 2020
- 1 min read
Marami pa rin ang hirap sa transportasyon.
May iba na madaling-araw pa lang ay nagpapadyak na para makapasok sa trabaho. Meron ding nakikipagsapalaran sa libreng sakay. ‘Yung ilan, pikit-matang namamasahe nang mahal, makapasok lang.
Kaugnay nito, posible umanong madagdagan na ang mga pampublikong sasakyan sa mga susunod na araw. Ito ay kung mapagkakasunduan nang makabalik-pasada ang mga tinaguriang “hari ng kalsada” o mga traditional jeepney.
Ayon sa Malacañang, pinag-aaralan na ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at nakadepende kung kukulangin ang mga bus at modern PUVs.
Matatandaang una nang pinayagan sa Phase 1 o mula June 1-21 na magbalik-operasyon ang tren, bus augmentation units, taxi, TNVS, point-to-point bus, shuttle services at bicycles sa limitadong kapasidad. Pagsapit ng June 22-30 o Phase 2 ay inaasahan namang makapasada na rin ang mga public utility buses, modern jeepneys at UV express vans.
Para sa atin, kung handa naman na ang mga ito at makasusunod sa minimum health standards tulad ng physical distancing ay dapat na talagang payagan.
Napakalaking ginhawa ang maibibigay nito sa ating mga komyuter at siyempre, lalo na sa mga drayber na nawalan ng hanapbuhay.
Ang kailangan lang ay magising disiplinado pare-pareho. Sumunod sa mga panuntunan para maiwasan hindi lang ang aberya kundi ang paglala ng kaso ng COVID-19.





Comments