‘Di matanggap na nabuntis ang GF dahil may iba na, makakatuluyan pa rin dahil sa isang marriage line
- Maestro Honorio Ong
- Jun 20, 2020
- 2 min read

KATANUNGAN
Last month, ipinagtapat ng girlfriend ko na buntis siya. Kaya sabi niya ay magiging ama na ako, na ang buong akala niya ay ikatutuwa ko. Pero ang totoo, hindi ako natutuwa dahil hindi pa ako handang mag-asawa at lalong wala sa hinagap ng isip ko na pakasalan siya.
Kami na ba ang magkakatuluyan? Balak kong umiwas na sa kanya dahil hindi ko naman siya balak pakasalan, ano ang dapat kong gawin? May isa pa akong nililigawan at parang malapit na niya akong sagutin at kapag sinagot niya ako, siya ang gusto kong mapangasawa.
Naguguluhan ako, kaya sana ay matulungan n’yo ako at mabigyang-linaw ang isipan ko sa problema kong ito.
KASAGUTAN
Wala kang lusot, Alvin, kahit sabihin pang hindi mo balak pakasalan at wala kang pangarap na mapangasawa ang nabuntis mong girlfriend. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na isipin mo mang lumayo at ibang babae man ang gusto mong mapangasawa, ito ay hindi mangyayari dahil ang nakatakda ay kung sino ang unang babae na nakarelasyon mo nang seryoso at totohanan at naanakan mo ay siya na rin ang makakatuluyan mo at makakasama habambuhay.
Ang pag-aanalisang isa lang ang babae sa buong buhay mo, gayundin ang pakakasalan mo ay madali namang kinumpirma ng maayos at maganda ring Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, tanda na sa pag-aasawa o ngayon pa lang, kahit ano pa ang isipin at balakin mo, nakahanda na ang maayos at magandang pagpapamilya papasukin sa hinaharap.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, isipin mo mang tumakas sa nabuntis mo, wala kang magagawa Alvin, sapagkat ayon sa itinakda, siya ang iyong makakatuluyan at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments