Sapat na proteksiyon para sa mga basurero, ibigay para tuloy ang hanapbuhay
- Ryan B. Sison
- Jun 19, 2020
- 2 min read

Kabilang ang garbage collectors sa mga nagsisilbing frontliners ngayong nahaharap tayo sa COVID-19 pandemic. Sila ang naghahakot ng mga basura ng mamamayan araw-araw na dahilan kung bakit isa sila sa mga nahaharap sa banta ng nakamamatay na sakit.
Kaugnay nito, mahigpit na ipinatutupad ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Ilagan City ang memorandum na inilabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay sa paghahakot ng basura sa mga quarantine facilities sa lungsod.
Alinsunod sa memorandum, mahigpit na inaabisuhan ang mga garbage collectors na mag-ingat upang pangalagaan ang kanilang kalusugan.
Upang matiyak na ligtas sa anumang sakit, pinagsusuot sila ng kumpletong personal protective equipment (PPE) tulad ng facemask, face shield at gloves na mula sa lokal na pamahalaan.
Bago kunin ang mga basura, dapat ma-disinfect muna ang mga ito at tiniyak na nasusunod ang social distancing.
Dapat lang na bigyan ng proteksiyon ang mga kababayan nating nahaharap sa panganib ng COVID-19 sa pamamagitan ng paghahakot ng basura dahil mas mataas ang tsansa na magkaroon ng transmission ng virus kung hindi sapat ang kanilang proteksiyon.
Hangad nating mahigpit itong maipatupad sa lahat ng quarantine facilities sa bansa dahil sila ay karapat-dapat maproteksiyunan, anuman ang kanilang estado o posisyon sa trabaho.
Panawagan sa kinauukulan, siguraduhing nasusunod sa lahat ng bahagi ng bansa ang memorandum na ito.
Iprayoridad at pahalagahan natin ang kaligtasan ng manggagawang matapang na humaharap sa hindi nakikitang kalaban. ‘Wag nating kalimutan na sila rin ang mga ordinaryong mamamayan na kumakayod kahit nahaharap sa banta ng COVID-19.
Hindi biro ang kanilang sakripisyo para mapanatiling ligtas ang mamamayan kaya dapat lang na sila ay proteksiyunan at ingatan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments