Nag-aalok ng trabaho abroad, ‘wag agad patulan para iwas-problema
- Ryan B. Sison
- Jun 18, 2020
- 2 min read

Nasa punto na tayo na kung ano ang meron, kailangang pagtiyagaan.
Tipong kailangan magtiis sa paraan ng pamumuhay, sitwasyon sa trabaho, gayundin ang magtiyaga para makahanap ng pansamantala o panibagong pagkakakitaan.
Pero kahit no choice tayo kundi humanap ng hanapbuhay habang may pandemya, hindi tayo dapat basta-bastang magtiwala dahil baka sa halip na solusyon, problema pa ang ating makuha.
Kaugnay nito, mahigit P3, 000 ang natangay sa isang lalaki matapos mabiktima ng nagpanggap na may-ari ng recruitment agency
Ayon sa biktima, may nag-text sa kanya at nag-alok ng trabaho sa Canada nang walang kailangang show money o processing fee dahil ang kailangan lang umanong bayaran ay P3, 000 para sa online seminar fee para sa interview ng Canadian Embassy sa Hunyo 20-21, ngunit pagkadeposit sa hininging pera, hindi na nagparamdam ang texter.
Nang hanapin sa internet ang JEJ International Manpower Services, may Facebook post ito na nagbababala laban sa mga scammer na umano’y gumagamit ng pangalan nito dahil ayon sa kompanya, wala silang job order sa Canada.
Nakakalungkot dahil sa gitna ng pandemya, hindi talaga nawawala ang mapagsamantala. Tipong ang pera para sa pamilya, naging bato pa.
Magsilbi sana itong aral at babala sa atin na kahit gipit na gipit tayo, ‘wag basta-bastang masisilaw sa pera o trabaho.
Hindi naman natin masisisi ang biktima dahil sa panahon ngayon, kahit ano’ng trabaho ay kinakagat — malayo man ito sa nakasanayang hanapbuhay — para magkaroon ng perang pantustos sa araw-araw na pangangailangan at kumakalam na sikmura.
Bagama’t kailangang kumayod, maglaan pa rin tayo ng oras para alamin at kilalanin ang sinumang nag-aalok ng trabaho. ‘Wag manghinayang sa oras na ilalaan dito dahil mas malaki ang mawawala sa atin kung mabibiktima tayo.
Sa ganitong pagkakataon, timbangin natin ang mga puwedeng mangyari sa bawat desisyon dahil sa panahon ngayon, solusyon ang kailangan natin at hindi panibagong problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments