top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Pag-atras at pagsulong, paraan para malito ang kakumpitensiya sa buhay

  • Maestro Honorio Ong
  • Jun 17, 2020
  • 2 min read

Bulgar Horoscope

Bigyang-daan natin ang ilang bagay na puwedeng isabuhay ngayon at pagkatapos ng COVID-19 pandemic.

May isa pang sikreto ng pagpapayaman at ito ay ang “isang hakbang paatras, dalawang hakbang pasulong.” Ibig sabihin, sa buhay ng tao, hindi puwedeng gigil na gigil at mapagpilit o sobrang makulit.

Sa isang hakbang paatras, malilito ang iyong mga kakumpitensiya dahil aakalain nilang suko ka na at mahina ka, kaya lalabis ang tiwala nila sa sarili at ang taong labis ang tiwala sa sarili ay mabibigo.

Minsan, mahirap paniwalaan ang nasabing atras-pasulong na lihim ng buhay, pero madaling makita ang katotohanan sa pamamagitan ng mga halimbawa.

Pagmasdan mo ang karpintero habang pinupukpok ang pako. Nakita mo ba na iniaatras niya ang martilyo saka muling ipupukpok sa pako? Kung hindi iaatras ng karpintero ang martilyo, babaon kaya ang pako?

Ganito rin ang paraan sa buhay. Hindi tatalab ang anumang paghihirap at pagsisikap kung ang pagpukpok sa pangarap ay hindi iniaatras.

Ang isa pang halimbawa pero nasa patanong na kaalaman ay puwede kaya na ang Haring Araw ay hindi na lulubog sa Kanluran? Hindi puwede dahil kahit ang Haring Araw ay kayang magbigay ng liwanag habang panahon dahil siya ay tinatawag na “Great Sun”, hindi puwede na hindi siya lulubog sa Kanluran.

May isa pang tanong, bakit hindi tuluy-tuloy ang pag-alon sa dagat, kumbaga, umaatras din at pakatapos ay sumusulong?

Napansin mo ba ang mga kamay mo habang ikaw ay lumalakad? Hindi puwede na maglakad ka na ang mga kamay mo ay hindi gumagalaw papaatras, try mo kaya na lumakad na laging nakasulong ang kamay mo, ano ang sasabihin ng makakikita sa iyo? Ikaw, ano ang masasabi mo sa iyong sarili kung sa paglakad mo ay laging nakasulong ang mga kamay mo?

Napansin mo ba na kusang pumipikit ang iyong mga mata? As in, hindi puwedeng lagi kang nakadilat.

Bilang katuwaan pero isa ring seryosong bagay, kaya mo bang hindi kumurap nang may katagalan? Try mo at nang malaman mo na hindi puwede ang ganu’n.

Marami pang bagay at pagkilos sa mundo na kakikitaan ng pag-atras at pagsulong. Kapag luminga-linga ka sa paligid, marami kang makikitang halimbawa.

Bakit kaya? Ano ba ang lihim na nakapaloob sa pag-atras at pagsulong sa buhay ng tao at mundo na ating ginagalawan?

Itutuloy

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page