National beach volleyball may weekly virtual-online seminar
- Gerard Arce
- Jun 17, 2020
- 2 min read

Nagsasagawa ng mga serye ng virtual-online seminar ang koponan ng national beach volleyball at private sector upang magbigay ng ilang kaalaman at karunungan sa mga provincial coaches upang mas mapalawig pa ang sport sa bansa.
Nakipag-ugnayan ang men’s at women’s national team, sa iba’t ibang coaches ng bawat probinsiyang nagnanais na matutunan ang mga basic program, gayundin ang mga tamang pamamaraan sa conditioning at injury prevention sa beach volley, na nagawang makamtan ang dalawang bronze medals sa women’s at isa sa men’s team sa nakalipas na 2019 Southeast Asian Games na ginanap sa Subic Tennis Court sa Subic, Zambales noong isang taon.
Pangungunahan nina 4-time UAAP beach volley at 1-time indoor volleyball MVP Cherry Ann “Sisi” Rondina at dating FEU team captain Bernadeth Pons, Lemuel Anthony Arbasto, kasama ang mga national team coaches na sina Paul Jann Doloiras at Rhovyl Verayo at mga rehab at conditioning coaches na sina Nicole Pimentel at Paolo Escano ang weekly webinar.
“Isa ito sa mga advocacy ko na maipakalat sa bansa ang Beach Volleyball, lalo na sa mga probinsya para mas maiangat pa namin iyong kalidad at level ng laro,” pahayag ni Doloiras sa panayam ng BULGAR sa online interview.
Bukas at libre umano ang naturang webinar sa lahat ng coaches na nag-aasam na matutunan ang pangunahing paraan sa laro kabilang na ang mga iba’t ibang estilo ng coaching philosophy, paraan ng pagpapatakbo sa players, pagbuo ng mga tamang programa at marami pang iba.
Nagsimula na ang kanilang pagtuturo sa mga partisipante mula sa Bicol Region (Camarines Sur, Legazpi), Region 4A, Rizal, at Region 7 (Cebu at Bohol); partikular na ang mga coaches mula sa mga public schools.
“Bawat region target namin na maiparating iyong aming natutunang kaalamanan para mas makadiskubre pa tayo ng maraming Sisi Rondina sa mga probinsya,” paglalahad ng UAAP champion coach mula sa UST.
Sa mga nagnanais na matutunan ang larong beach volleyball, makipag-ugnayan lamang umano kay Doloiras sa social media account nito.





Comments