Kaalaman sa pagpapalago ng online business, iprayoridad!
- Ryan B. Sison
- Jun 17, 2020
- 1 min read

Dahil maraming nawalan ng trabaho nang magkaroon ng lockdown sa iba’t ibang panig ng bansa, no choice ang iba kundi humanap ng ibang pagkakakitaan.
Isa sa mga pumatok ang online selling dahil naging madali ang pagbebenta sa tulong ng social media, gayundin ay paraan ito para mabawasan ang physical contact sa mga kostumer.
Pero nang isulong ang pagbubuwis sa mga online sellers, mabilis itong umani ng negatibong reaksiyon. Dismayado ang mga kababayan nating online sellers, partikular ang mga nagsisimula pa lang kumita.
Gayundin, inalmahan ito ng mga mambabatas kaya naman nagbigay ng iba’t ibang suhestiyon ang mga ito.
Kabilang na rito ang suhestiyon na dapat magkaroon ng virtual trainings ang mga ahensiya ng gobyerno para sa online sellers para mapalago ang kanilang negosyo.
Paliwanag ng mambabatas, dapat iprayoridad ang pagtuturo sa mamamayan kung paano matutustusan ang kanilang pangangailangan habang patuloy ang COVID-19 crisis.
Sa totoo lang, magandang hakbang ito para sa mga kababayan nating bago sa online selling.
Maraming bagong online sellers ang kulang ang kaalaman sa mga pamamaraan sa pagpapatakbo ng negosyo. At ngayong ito ang inaasahan ng karamihan dahil nawalan ng kayod, mahalagang magkaroon ng kaalaman para kumita.
Imbes na buwisan ang karampot na kinikita, bigyan natin sila ng pagkakataon para palaguin ang kanilang kabuhayan.
Ang kailangan natin ay matulungan ang bawat isa dahil hindi naman uubra na forever na lang umasa sa ayuda.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments