Todo-alala dahil wala pang planong pakasalan ng BF, makapag-aasawa rin sa 2021
- Maestro Honorio Ong
- Jun 16, 2020
- 2 min read

KATANUNGAN
Mag-a-apat na taon na kami ng boyfriend ko sa June 19, marami nang dumating na pagsubok sa amin, pero nanatili kaming matatag at nagmamahalan. Sa June 18, magte-33 yrs. old na ang boyfriend ko habang ako naman ay magte-34 na sa September 26, ang problema, mukhang wala pa siyang balak mag-asawa dahil kapag magkasama kami, halos hindi namin pinag-uusapan ang pagpapakasal.
Nagtataka ako dahil parang wala siyang plano gayung pareho naman kaming may edad na at may trabaho. Kami na ba ang magkakatuluyan? Baka asa ako nang asa na kami ang magkakatuluyan, tapos bigla kaming maghiwalay at kung maghihiwalay kami sa ganitong edad, mahirap magsimula ulit at walang kasiguraduhan na may darating pa na katulad niya.
Pakitingnan sa guhit ng aking mga palad kung kami na ang itinakda ng kapalaran o may darating pang ibang lalaki sa aking buhay.
KASAGUTAN
May ganyan talagang lalaki—matagal mag-asawa at may mga lalaki pa ngang hindi nag-aasawa at hindi rin naniniwala sa kasal. Gayunman, dahil may kaisa-isang malinaw, makapal at kitang-kitang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, ito ay malinaw na tanda na anuman ang mangyari sa inyong relasyon, tulad ng kasabihan ng mga matatanda sa aming bayan dine sa Bulacan, “Pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.”
Ganu’n ang siguradong magaganap sa inyong ugnayan ng boyfriend mong hindi pa nagpo-propose kung saan kahit medyo may edad na kayo, ayon sa maganda at okey sa alright na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, walang kabiguang itatala sa iyong karanasan sa larangan ng pag-ibig. Sa halip, kahit matagal magpasya ang boyfriend mo na pakasalan ka, sa bandang huli, pumuti man ang buhok n’yong dalawa, kayo pa rin ang magsasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Sabi nga ng French novelist na si Gustave Flaubert (1821-1880), “Love is a springtime plant that perfumes everything with its hope, even the ruins to which it clings.”
Sa pagkakaintindi ko at sa sarili kong salin, “Ang pag-ibig ay tulad ng baging sa panahon ng tag-sibol. Habang gumagapang sa sanga ng kahoy, masayang pagsasama’y patuloy ang kapit, patuloy ang usbong.” Ibig sabihin, anuman ang nangyayari sa relasyon n’yo ngayon, kumapit ka, ‘wag kang susuko at mawawalan ng pag-asa dahil sa bandang huli, maaabot n’yo rin ang langit.
Sapagkat habang sa puso n’yo ay buhay at nananalatay ang wagas at dalisay na pag-ibig, darating ang sandali – sa ganitong panahon din ng tag-ulan sa 2021, pormal na magpo-propose ang boyfriend mo upang sa nasabing panahon sa edad mong 34 pataas, maganap ang simple ngunit makasaysayang kasalan na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.




Comments