top of page

Mungkahing ayuda para sa mga guro at kawani ng private schools

  • Kuya Win Gatchalian
  • Jun 16, 2020
  • 2 min read

Pinangangambahang posibleng magsara ang ilang mga pribadong paaralan dahil sa kawalan ng kakayahang pinansiyal upang mapanatili ang kanilang operasyon, kasama na ang patuloy na pagpapasahod sa mga guro at ilang mga kawani.

Kung magsara ang mga paaralang ito dahil sa patuloy na pagkalugi ay tuluyang mawawalan o maghahanap ng ibang trabaho ang ating mga guro at mga kawani ng paaralan.

Ang sitwasyong ito ay maaaring magdulot ng kakulangan ng guro sa bansa at mapipilitan ang mga mag-aaral na lumipat sa mga pampublikong eskuwelahan — kung saan suliranin ang hindi sapat na bilang ng mga klasrum.

Ayon sa isang ulat na pinamagatang “The COVID-19 Pandemic: Shocks to Education and Policy Responses,” kahit na tanggapin ng mga pampublikong paaralan ang mga mag-aaral na umaalis sa mga pribadong eskuwelahan, magdudulot ito ng mas lalong pagsisikip sa mga paaralan at hindi malayong lalong bumaba ang kalidad ng edukasyon.

May 16 porsiyento o apat na milyon sa 27 milyong mga mag-aaral ang nasa mga pribadong paaralan. Ayon kay Atty. Joseph Noel Estrada, Managing Director ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), maaaring umabot ng dalawang milyon sa mga mag-aaral na ito ang mag-drop-out o lumipat sa mga pampublikong paaralan.

Bukod dito, sinabi rin ni Atty. Estrada na may 300,000 mga guro na nasa mga pribadong paaralan at ang iba sa kanila ay nagtatrabaho sa ilalim ng polisiyang no-work, no-pay.

Dahil dito, hinihimok natin ang pamahalaan na bigyan ng ayuda ang mga guro at kawani ng mga pribadong paaralang apektado ng krisis na dulot ng COVID-19.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang ating panukala ay isama ang mga guro at kawani ng mga pribadong paaralan sa Small Business Wage Subsidy (SBWS) program ng Department of Finance (DOF). Ang programang ito ay nagpapamahagi ng 5,000 hanggang 8,000 piso sa mga empleyado ng mga maliliit na negosyong apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).

Isinusulong din natin ang pagpapalawig sa programang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) na nabuo sa pamamagitan ng Republic Act 6728 o GASTPE Act. Pangunahing layunin nitong bigyan ng tulong-pinansiyal ang mga mag-aaral at guro sa mga pribadong paaralan.

Katuwang tayo sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon kaya kailangan nating matugunan ang pangangailangan at matulungan ang mga pribadong paaralan na makatawid sa krisis na ating pinagdadaanan.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page