Sana ay hindi masayang ang pagkamatay ni Michelle Silvertino at matapos na ang problema sa stranded
- Bong Revilla
- Jun 15, 2020
- 3 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Mula nang pumutok sa media ang pagkamatay ni Michelle Silvertino, isang ina na may apat na anak, na dahil sa kahirapan ay naobligang magtungo sa Maynila para maghanap ng kinabukasan.
Mula sa Camarines Sur ay lumuwas ito at sandaling namasukan bilang kasambahay sa Antipolo City, dito siya napadpad matapos na bumagsak sa medical examination dahil sa may tubig umano ito sa baga at hindi siya puwedeng magtrabaho sa ibang bansa.
Makaraang makaipon ng kaunting halaga ay nagpasya na itong umuwi sa Bicol, ngunit dahil walang masakyang bus ay nagdesisyon itong maghintay sa isang footbridge sa Pasay City na umano’y nilakad niya mula Cubao.
Ilang gabi umano siyang inip na inip at bukambibig nito sa mga kasama niyang stranded na nais na niyang makita ang mga anak hanggang sa matagpuan itong wala ng buhay at nananatiling nakaupo katabi ang kaniyang kagamitan.
Lumalabas na na-swab test na pala siya, dapat nasa ilalim na siya ng strict observation at quarantine at pinatotohanan ito ng resulta na ang kanyang probable cause of death ay severe case of COVID-19, pero bakit pagala-gala pa siya at kapiling ang iba pang stranded?
Hindi malayong may nahawa pa siyang ibang stranded o kung nakauwi siya ng Bicol ay doon naman siya makahawa lalo pa at napakaliliit pa ng apat niyang anak.
Marami ang naluha sa sinapit ni Michelle, marami ang tumulong ngunit muli ay napatunayan ang kasabihang “Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo” hindi na niya alam ang napakaraming tulong na sana ay naibigay sa kanya noong siya ay nabubuhay pa.
Pero hindi siya nag-iisa sa ganitong sitwasyon, napakarami nilang nagdatingan sa Pasay City dahil dito ay maraming terminal ng bus na biyaheng probinsiya hanggang sa NAIA expressway na malapit naman sa airport.
Mula sa iba’t ibang probinsiya ang mga kababayan nating ito na ilang linggo ng stranded at nagpapalipas ng magdamag sa ilalim ng footbridge at skyway na dahil sa pagkamatay ni Michelle ay inilikas na sa Villamor Airbase Golf Course na ligtas at mas supply pang pagkain.
Mahigit sa 50 ang naitalang locally stranded individual (LSI) na karamihan ay biktima ng cancelled flights, mga chance passenger at ang iba ay nabentahan pa ng pekeng ticket ng eroplano kaya wala ng mga pera.
Sa totoo lang, puwedeng maresolba ang problema ng mga stranded sa mabilis na panahon kung kikilos ang Local Government Unit (LGU) ng bawat probinsiya at hindi dapat iniaasa sa Metro Manila ang problemang ito dahil pare-parehong abala.
Ano ba namang i-monitor ng bawat probinsiya kung may kababayan sila na stranded at sila na mismo ang mag-asikaso at mababantayan pa nila ang pagpasok ng mga ito sa kanilang probinsiya at agad na isailalim sa 14 araw na quarantine.
Hindi naman malaking gastos kung bawat probinsiya ay isailalim agad sa rapid testing ang kani-kanilang kabababayan na stranded at bigyan ng ligtas na lugar bago ibalik sa kani-kanilang lalawigan.
Kung magkakani-kanya ng asikaso ay baka isang araw lang ay tapos na ang problema ng mga stranded, kaso ang ilang opsiyal sa probinsiya kung hindi pa may mangyayaring trahedya ay hindi pa gagalaw.
Hindi ko naman nilalahat ng opisyal dahil marami rin ang responsable talaga, ang pinupunto ko lamang ay sana huwag nang maulit ang nangyari kay Michelle na namatay nang wala sa oras dahil hindi agad nabigyan ng tulong.
Sana ay hindi mapunta sa wala ang pagkawala ng buhay niya, lalo pa’t marami sa mga nakatira sa bangketa at ibang stranded sa ibang lugar na hindi sumusunod sa pagsusuot ng facemask, paghuhugas ng mga kamay at physical distancing.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments