Inipit sa mga pahina ng magazine… Mahigit $54,000 nasabat ng BOC
- Madel Moratillo
- Jun 15, 2020
- 1 min read

Aabot sa mahigit US$54,000 na itinago sa mga pahina ng magazine ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Port of Clark.
Ayon sa BOC, ang nasabing shipment ay idineklara bilang "Chinese Cook Book Recipes" na dumating sa bansa noong Mayo 25 mula sa Hong Kong.
Gayunman, nang isailalim sa physical examination, nadiskubre ang 540 piraso ng US $100 bill, 2 piraso ng $50 bill, 4 na piraso ng $20 bill, 1 piraso ng $10 bill at 5 piraso ng $5 bill. Sa kabuuan, umabot ito sa USD$54,215 o katumbas ng P2.7 milyon.
Agad namang naglabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) si Port of Clark District Collector Ruby Alameda sa nasabing shipment dahil sa paglabag sa probisyon ng Republic Act 10863 na may kaugnayan sa BSP Foreign Exchange Transaction Manual.
Tiniyak naman ni Alameda na mahigpit ang kanilang mga ginagawang pagbabantay upang hindi makalusot ang mga ganitong uri ng scheme.





Comments