top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Alam ba natin, lalo na ng pamahalaan ang mga panganib sa kalye sa gitna ng COVID-19?

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Jun 15, 2020
  • 2 min read

Sanay tayong makakita ng mga taong natutulog sa kalye kung saan ito na ang itinuturing nilang normal na tahanan. Hindi problema sa kanila ang matinding init na ating nararanasan loob mismo ng tahanan. Ngunit, ibang-iba na ang istorya ngayong opisyal nang nagsimila ang tag-ulan.

Pilit na silang nagtatayo ng kani-kanyang bubong na trapal upang iwasang mabasa ng ulan. Habang lumalakas at tumatagal ang ulan, lalo natin nakikita ang mabigat na problema ng mga nakatira sa kalye. At sa awa ng Diyos, hindi pa tayo nakakakita ng mga naghihingalo o namamatay sa kalye, subalit alam nating nangyayari ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ngunit, ganito ang malungkot na nangyari kay Michelle Silvertino, 33-anyos na namatay sa ilalim ng footbridge sa Pasay City habang nagbabakasakaling makasakay ng bus pauwi sa Bicol.

Noong, ik-1 ng Hunyo, hinatid si Michelle ng kanyang mga amo sa Cubao. At dahil wala pang biyaheng Bicol noon, dinala siya sa Pasay kung saan nabalitang mayrong biyaheng Bicol. Nagpasya ang abang kasambahay na manirahan pansamantala sa ilalim ng tulay habang umaasang makasakay pauwi ng Bicol. Nakatawag pa siya noong ika-3 ng Hunyo sa kanyang nanay upang sabihing stranded siya sa Pasay habang naghihintay na makasakay ng bus pauwi ng Bicol.

Noong sumunod na araw alas-9:30 ng gabi nang natagpuang siyang may lagnat ng mga pulis ng Malibay Substation 6. Dinala siya ng mga pulis sa Barangay 159. Ngunit walang tao roon kaya ibinalik na lang nila ito kanilang presinto.

Nang malamang may lagnat ito, pinabalik ito ni Police Lt. Col. Deanry Francisco, assistant chief ng Pasay Police sa Barangay 159. Gayunman ay nagpahatid na lang ito sa kanyang puwesto sa footbridge. Bandang 4:30 ng umaga, nakatanggap ng tawag ang mga pulis tungkol sa isang babaeng walang malay sa footbridge. Dumating ang mga pulis at saka pa lang dinala si Michelle sa Pasay City General Hospital. “Dead on arrival” na siya nang makarating ng ospital.

Bago pumanaw si Michelle, malinaw ang kagustuhan nitong makauwi sa mahal niyang bayan. Pagmamahal sa kanyang pamilya, sa kanyang sariling bayan, ang Calabanga, Camarines Sur ang nag-udyok sa kanyang maghintay sa ilalim ng footbridge sa Pasay.

Hindi siya nag-iisa sa kanyang pinagdaanang kalbaryo sa paghihintay sa biyahe pauwi sa kanyang bayan. Parami nang parami ang mga naninirahan sa mga kalye o street dwelers dahil sila ay nawalan na ng matitirhan.

Ito ang naging misyon ni Fr. Flavie Villanueva, SVD sa kanyang itinayong programa ng KALINGA. Subalit mayroong mga opisyal ng pamahalaan, tulad ng barangay captain na nagpasara ng KALINGA, na tila hindi naiintindihan ang panganib ng kalye para kaninuman, mahirap man o mayaman.

Nakamamatay ang kalye— sa lugar na ito maaari kang magkasakit, mabugbog o mamatay sa gutom. Ngunit meron ding higit na nakamamatay kaysa kalye, ang pagbalewala sa mga maliliit at walang-wala, ang pagbalewala sa kapwa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page