Kapulisan, oks lang magpayo sa madlang pipol basta maging sensitibo sa bawat isyu
- Ryan B. Sison
- Jun 15, 2020
- 2 min read

“Mahalin natin ang mga kababaihan at huwag n’yo abisuhin ang kanilang kabaitan. Kayo naman mga ghErlsz, ‘wag kayong magsusuot ng pagkaikli-ikling damit at ‘pag naman nabastos ay magsusumbong din sa amin. Isipin n’yo rin!”
Ito ang kontrobersiyal na anti-sexual advisory ng Lucban Municipal Police Station sa social media.
Bagama’t binura na ang orihinal na post, kumalat ang screenshot nito kaya tulad ng inaasahan, umani ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens.
Habang may pumanig sa kapulisan, may mga nagalit at nagpahayag ng pagkadismaya. Hirit ng ilan, walang mali sa naturang post dahil paalala lamang ito para makaiwas sa pang-aabuso, pero sagot ng iba, malinaw na “victim-blaming” ang laman ng post. Anila, baka kaya natatakot magsumbong sa pulisya ang biktima ay dahil sa halip na tulungan, may mga sitwasyon na sila pa ang pinapangaralan. Tipong ikaw ang naagrabyado, parang kasalanan mo pa na inabuso ka, ang masaklap, dinededma pa ang ganitong isyu.
Ayon sa PNP-Public Information Office, pinagpapaliwanag na si Police Major Rizaldi Merene at ilang kapulisan dahil sa nasabing advisory.
Sa unang basa pa lang sa post, makikitang sinisisi nila ang pananamit ng kababaihan kung bakit nababastos ang mga ito. Sa dami ng naitalang kaso ng pang-aabuso sa kababaihan at kabataan mula nang ipatupad ang lockdown, tama bang manisi ng biktima?
Responsibilidad ng kapulisan na protektahan ang mamamayan laban sa anumang uri ng karahasan, kaya ‘wag ninyong bigyan ng katwiran ang mga kriminal kung bakit nagawa nilang mang-abuso.
Puwede kayong maglabas ng advisory nang walang natatapakang tao. Walang sinumang may gustong maging biktima ng pang-aabuso.
Malaking audience ang nasasakop ng social media kaya bilang kapulisan, responsibilidad n’yo ring maging maingat sa anumang ipo-post gayung pangalan n’yo ang nakasalalay dito.
Sana ay magsilbing aral ito na maging sensitibo sa bawat isyu.
Oks lang magbigay ng payo, pero kung may natatapakang tao, may mali na rito. ‘Wag nating hayaang matabunan ng maling paraan ng pagpapaalala ang intensiyong pag-ingatin ang mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Opmerkingen