Istilong siga ang gobyerno sa panghihingi ng “tong” (tax) sa online sellers
- Pabs Hernandez III
- Jun 14, 2020
- 2 min read
PARANG SINABI NI ROQUE NA MALABONG MAPAGTAGUMPAYAN NG ‘PINAS ANG DEADLY VIRUS—Nang matanong si Presidential Spokesman Harry Roque kung ano ang mga hakbang na ginagawa ng gobyerno para matulad ang ‘Pinas sa New Zealand na sa ngayon ay zero cases na sa COVID-19, sinabi nitong mahihirapan ang Pilipinas na gayahin ito dahil kasinglaki lang ng Luzon ang bansang ito at nasa 5 milyon lang ang mamamayan nito.
Pambihirang spokesman ito, imbes na bigyan ng pag-asa ang mamamayan na makakaya rin ng Pilipinas ang nakamit ng New Zealand, eh, kawalang pag-asa ang sinasabi sa publiko.
Sa tema ng pahayag ni Roque, parang sinabi na rin nitong malabong mapagtagumpayan ng ‘Pinas ang deady virus, nakupo!
◘◘◘
SOLUSYON LABAN SA COVID-19 ANG KAILANGAN, HINDI ALIBI—Kaya lang New Zealand ang naging halimbawa na itinanong kay Sec. Roque ay dahil ito ang huling bansa sa mundo na naiulat na zero cases na sa COVID-19 kasi kung titingnan ang data ng Worldometers Statistics ay marami ng bansa ang naunang na-report na wala nang virus at kabilang ang mga bansa sa Asya na Taiwan, Vietnam, Malaysia, Cambodia, Myanmar, Sri Lanka, Brunei at Laos.
Sa isyung ito, dapat ang isinagot ni Roque sa tanong ng mga mamamahayag ay solusyon o may kakayahan din ang Pilipinas na labanan ang virus at hindi alibi at palusot, pwe!
◘◘◘
MISTULANG SIGA ANG GOBYERNO KUNG “MANGOTONG” SA MGA ONLINE SELLERS—Ayon kay Sec. Roque, suportado ng Malacañang ang aksiyon ng BIR na patawan ng tax ang mga online sellers dahil sa panahon ng pandemya ay kailangan ng gobyerno ang buwis.
Hay naku, ito ‘yung uri ng gobyerno na parang mga siga sa kanto na nanghihingi ng “tong” sa mga taong nais nilang kotongan, mga buwisit!
◘◘◘
TAMA SI ANABELLE RAMA, PA-STARING ANG MGA PRO-DUTERTE CONGRESSMEN—Sa pagdinig sa Kongreso tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN ay sa bawat tanong ng mga pro-Duterte congressman na nagsasabing labag ang Philippine Depositary Receipts (PDRs) ng Kapamilya Network ay paulit-ulit sinasagot ng Securities and Exchange Commission (SEC) na wala itong nilabag dahil naayon ito sa batas at katunayan daw ay meron din daw PDRs ang GMA Network.
Tila totoo banat ni Anabelle Rama na pa-starring lang ang mga pro-Duterte congressman kaya kung anu-ano na ang idinadakdak sa Kongreso, boom!





Comments