Ang kalayaan at ang pagtatanong
- Fr. Robert P. Reyes
- Jun 14, 2020
- 2 min read
Ang pinakaunang natututunan ng mga bata ay ang pagtatanong.
Ano ito? Ano ‘yan? Bakit ganito, bakit ganu’n? Hindi siya napapagod sa katatanong at ang mabuting magulang o tagapagbantay naman hindi rin napapagod sa kasasagot.
Ganyan ang isip na uhaw sa katotohanan. Musmos pa lamang tayo nang unang makaranas ng pagiging uhaw sa kaalaman at katotohanan ang ating isipan.
Hindi sapat na tumingin lang tayo dahil kailangan nating maintindihan ang ating nakikita, naririnig, nararamdaman, naiisip, kinatatakutan, kinagagalak at iba pa.
Sa pagdiriwang natin ng 122 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ay nais nating bigyang-hiling ang ating Inang Bayan na muling turuan ang kanyang mga anak na siya ay muling mahalin, paglingkuran at ipagtanggol.
Minsan, tayong lahat ay naging musmos — mga batang tinuruang awitin ang Pambansang Awit, ang Lupang Hinirang. Nais natin, kasama ang Inang Bayan na balikan ang mga titik ng magandang awiting ito.
Daan-daang taon na ang nakalipas nang dumating ang mga dayuang yumurak sa ating dangal at kalayaan. Dumating ang mga Kastila na inalipin ang mga Indiyo sa loob ng mahigit tatlong daang taon. Dumating ang mga Amerikano na sinakop tayo ng mahigit tatlong dekada at pinalitan ito ng mga Hapon na naghasik ng kanilang karahasan sa loob ng mahigit tatlong taon. At natapos ang mga panahon ng pananakop ng mga banyagang bansa at napalitan ito ng pananakop ng ating kapwa mamamayan.
Akala natin ay natapos na ang pananakop ng Pinoy sa kapwa nito Pinoy sa paglisan ng mga Marcos, ngunit heto na naman sila ngayon. Tila nag-usap-usap at nagsama-sama upang lituhin at lansihin ang Inang Bayan.
Tila tuwing inaawit ang Lupang Hinirang sa anumang okasyon, hindi na ito pumupukaw sa mga matatayog, malalalim at marurubdob na damdamin sa puso ng kanyang mga anak.
Bakit kaya o Mahal na Ina? Maaari bang pagtaksilan ka ng iyong mga sariling anak?
Sanay na kami sa mga namumunong trapo ang isip, puso at kalooban. Pero, paano naman kung nahawa na rin ang marami sa amin at tuluyan nang nawala ang alab ng makabayaning pagmamahal para sa iyo?
Sana ay muli ninyong ituro sa inyong mga anak na magtanong at buhayin ang aming uhaw para sa katotohanan, katarungan at kalayaan. Kailangan naming muling magtanong upang muling lumaya!





Comments