Major League Soccer balik aksiyon sa Hulyo 8
- A. Servinio
- Jun 13, 2020
- 2 min read

Mauuna ang Major League Soccer (MLS) sa mga malaking liga ng palakasan na magsisimula muli sa Estados Unidos. Magbubukas ang isang torneo na papamagatang “The MLS Is Back Tournament” na lalahukan ng lahat ng 26 na koponan sa Hulyo 8 sa ESPN Wide World of Sports Complex sa loob ng Disney World sa Orlando, Florida.
Kahit ito ay isang torneo at may itatanghal na kampeon, ang mga resulta ay isasama sa pangkalahatang standings ng MLS. Tinigil ang mga laro noong Marso matapos maglaro ng dalawang beses ang mga koponan.
Sa pamamagitan ng video conference noong Biyernes, hinati ang 26 na koponan sa anim na grupo subalit ang Grupo A ay kabibilangan ng anim na koponan sa pangunguna ng host city Orlando City SC kasama ang Inter Miami CF, New York City FC, Philadelphia Union, Chicago Fire FC at Nashville. Ang limang iba pang grupo ay may tig-apat na kalahok.
Nabunot sa Grupo B ang defending MLS Cup champion Seattle Sounders FC, FC Dallas, Vancouver Whitecaps FC at San Jose Earthquakes habang nasa Grupo C ang Toronto FC, New England Revolution, Montreal Impact at DC United. Makikita sa Grupo D ang Real Salt Lake, Sporting Kansas City, Colorado Rapids at Minnesota United FC.
Nasa Grupo E ang Atlanta United FC, FC Cincinnati, New York Red Bulls at Columbus Crew. Ang Grupo F ay ang Los Angeles FC, Los Angeles Galaxy, Houston Dynamo at Portland Timbers.
Maglalaro ang mga koponan ng round robin sa kanilang grupo at ang dalawang pinakamataas sa bawat grupo at ang apat na pinakamataas ng magtatapos ng pangatlo ay tutuloy sa knockout playoffs. Ang kampeon, kahit ito ay koponang Amerikano o taga-Canada, ay bibigyan din ng karapatan na maglaro sa 2021 ScotiaBank CONCACAF Champions League.





Comments