top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Awww, ganern? Desisyon sa love life, dapat i-postpone ng Earth snake ngayong 2020

  • Maestro Honorio Ong
  • Jun 13, 2020
  • 3 min read

Bulgar Horoscope

Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign ngayong taon, tatalakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng mga isinilang sa Year of the Snake ngayong Year of the Metal Rat.

Ang Snake o Ahas ay nahahati sa limang klase, batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:

  • Metal Snake o Bakal na Ahas - silang mga isinilang noong 1914 at 2001

  • Water Snake o Tubig na Ahas - silang mga isinilang noong 1953 at 2013

  • Wood Snake o Kahoy na Ahas - silang mga isinilang noong 1965 at 2025

  • Fire Snake o Apoy na Ahas - silang mga isinilang noong 1917 at 1977

  • Earth Snake o Lupang Ahas - silang mga isinilang noong 1929 at 1989

Noong mga nakaraang isyu, tinalakay natin ang kapalaran ng Metal Snake, Water Snake, Wood Snake at Fire Snake. Sa artikulong ito, dadako na tayo sa ikalima at huling uri ng Ahas ito ay ang Earth Snake.

Ayon sa Chinese Elemental Astrology, kung ikaw ay isinilang noong 1929 at 1989, ikaw ay tatawaging Earth Snake o Ahas na Lupa kung saan bukod sa pagiging likas na matalino at mautak, isa sa mga pangunahing ugali mo ay ang pagigiging praktikal, materyoso at sa ayaw o gusto mo, ikaw ay mawiwili sa pagkakamal ng masasarap na bagay, kaya naman karaniwan sa mga Earth Snake ang yumayaman.

Kaya naman ngayong 2020, kahit nahaharap ang buong mundo sa matinding suliranin hinggil sa COVID-19, ang mga Earth Snake ay siguradong mananatiling buhay at nakatayo dahil sa kanilang taglay na katalinuhan at pagiging praktikal.

Hindi lang kaya nilang mabuhay sa panahon ng pandemya at matitinding suliraning kinakaharap ng buong mundo, bagkus, kapag iniisip mong mabuti, ang panahong ito ay magiging daan para sa Earth Snake upang lalo siyang umunlad at makapagpayaman. Kung ipagpapatuloy ng Ahas na Lupa ang dati nang taglay na lakas ng loob na kinumbinasyunan pa ng talino at pagiging masipag at masikap, ito ang magiging simula upang ang isang Earth Snake ay hindi man sumobrang yumaman, malinaw na niyang matatanaw sa kanyang kinalalagyan ang daan o pormula ng pagpapayaman, na sa loob ng pito hanggang siyam na taon ay maaaring aktuwal na maganap sa kanyang buhay.

Dagdag pa rito, ang ikinaganda pa sa mga magiging takdang kapalaran ng Earth Snake ay hindi lang sa sarili niyang pagsisikap at diskarte siya uunlad, bagkus, natatanaw din sa malayo na sa panahong ito ng pandemya, maraming mga suporta at tulong na darating sa kanya, at kung sakaling sobrang mautak at mapag-isip siya, ang mga tulong at suportang kanyang natatanggap mula sa ibang tao at samahan o organisasyon ay maaaring madoble at mapalago. Kaya naman tulad ng nasabi na, habang naghihirap ang mundo sa pag-iisip kung paano makaka-survive at lulutasin ang suliranin sa COVID-19, sa isang Ahas na Lupa, ang panahong ito ang magiging tamang daan upang siya ay lalo pang umunlad at magpayaman.

Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sinasabing bagama’t ito ay iisipin mong maging isa sa iyong mga prayoridad dahil sa hinihingi ng sitwasyon at pangyayari, maisasantabi mo ito nang hindi sinasadya kung saan mapapaisip kang maaaring tama naman ang nangyari o ang iyong naging desisyon.

Ngunit kung ikaw ay binata o dalaga na may karelasyon o halimbawang may asawa na, tulad ng naipaliwanag sa itaas, tama na isantabi muna ang feeling o dagdag na investment o time sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon dahil hindi ito ang kinakailangan mo ngayong 2020. Bagkus, ang dapat mong iprayoridad ang career at kabuhayan, pero hindi naman ibig sabihin nito ay babalewalain mo na ang iyong kasuyo. Siyempre, dati pa ring pagkalinga at pagmamahal, pero ‘yung todong init o dagdag na effort upang lalo pang lumago at mag-prosper ang relasyon ay makabubuting sa 2021 na lang gawin at kung nagbabalak na magpakasal, lumipat ng bahay, pumasok sa commitment, manligaw, sumagot ng manliligaw at iba pang malalaking hakbang hinggil sa pag-ibig o pakikipagrelasyon ay sa susunod na taon na lamang isagawa o sa Year of the Metal Ox o Taon ng Bakal na Baka.

Tandaan lamang na upang magtuluy-tuloy ang tagumpay at ligaya kung saan kahit maraming kumontra, pumula o umintriga sa iyo sa taong ito ng 2020, hindi ka dapat magpaapekto o maging maramdamin. Ituloy mo lang ang lahat ng binabalak at binabalangkas mong pagkilos dahil tulad ng nasabi na, suwerte ka sa taong ito, gayundin, magsisimula nang umunlad ang iyong career at kabuhayan hanggang sa ganap mo nang makamit ang iyong pangarap na pagyaman at pagkakaroon ng masagana at hayahay na buhay.

Itutuloy

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page