‘Pinas, kayang magbayad ng mga inutang — Palasyo
- Mylene Alfonso
- Jun 13, 2020
- 1 min read

Kumpiyansa ang pamahalaan na kayang bayaran ng bansa ang mga inutang nito sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Chua, ito ay dahil unang-una, maganda ang credit rating ng Pilipinas na nasa BBB+ kahit na mayroong pagbaba sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa global health crisis.
Nangangahulugan lamang umano ito na nasa magandang fiscal position ang Pilipinas.
"Well, number one, we have a very good credit rating that is a BBB+ despite our deficit, increasing almost three times. Kasi iyong ating deficit to GDP for this year is programmed at 3.2%. We are okay with providing stimulus up to 9%, and that was announced already to the public and to the international community," ani Chua.
Naipakita rin naman aniya ng bansa sa international community na kaya nitong mag-provide ng pondo upang suportahan ang economic recovery ng bansa.
Kabilang din aniya ang tax reform program, at isa ito sa mga pinaghuhugutan ng kumpiyansa ng pamahalaan, na mababayaran ng bansa ang mga loan nito.
"We did tax reform — three packages passed already — and that is what is fueling confidence that we can actually repay our loans," sabi ni Chua.
Bukod dito, ang mga inuutang naman aniya ng pamahalaan ay ginagamit sa mga produktibong aktibidad, na ang returns ay nagbibigay sa bansa ng mas malaking interest rate kumpara sa dapat na bayaran ng gobyerno.
Bunsod nito, siniguro ni Chua, na magagawa ng Pilipinas na mabayaran ang mga obligasyon nito at makabangon mula sa kasalukuyang health crisis.





Comments