Palasyo, puro hingi ng pang-unawa, kulang naman sa gawa
- Ryan B. Sison
- Jun 12, 2020
- 2 min read

PATULOY na nababahala ang publiko dahil tuluyan nang sumampa sa mahigit 20,000 ang positibo sa COVID-19 sa bansa, habang mahigit 1,000 naman ang namatay sa naturang sakit.
Gayunman, hindi na nagugulat ang Palasyo sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, wala pang naiimbentong bakuna kontra COVID-19 kaya asahan na umanong patuloy ang pagdami ng mga tatamaan ng sakit.
Bagama’t, tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa, bumaba naman umano ang bilang ng mga namamatay at hindi na rin tumataas ang bilang ng mga nagiging kritikal.
Ang pinakaimportante umano ay handa ang pamahalaan at matiyak na mabibigyan ng sapat na atensiyong-medikal ang mga tinatamaan ng COVID-19.
Humihingi rin ng pang-unawa ang Palasyo kung niluwagan ang community quarantine dahil kailangan din umanong balansehin ang ekonomiya ng bansa.
Sabihin na nating handa ang pamahalaan na nabibigyan ng sapat na atensiyong-medikal ang mga tinamaan ng sakit, ano’ng plano n’yo para hindi dumami ang mga tatamaan nito?
Hindi kagulat-gulat, pero hindi ba kayo nababahala?
Ayaw natin ng second wave ng COVID-19, pero ano’ng ginagawa natin?
Hindi sapat na humingi lang kayo ng pang-unawa sa publiko dahil sa araw-araw nilang pagkayod para umusad ang ekonomiya, lalong lumalaki ang tsansa na masagap nila ang virus.
Nasaan ang mass testing? Gaano tayo kasigurado na sapat ang physical distancing, paghuhugas ng mga kamay at paglimita sa pampublikong transportasyon?
Hindi lang dapat taumbayan ang kumikilos dahil kayo na mismo ang nagsabi na kailangang magtulungan ng mamamayan at pamahalaan.
‘Wag puro salita, ipakita ninyong magkakasama tayo sa laban na ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments