Maaari bang baguhin o bawiin ang isinaad sa huling habilin?
- Persida Acosta
- Jun 12, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Nalaman ko kamakailan na mayroon akong malubhang karamdaman at may taning na ang aking buhay. Kaugnay nito, nais ko sanang tanggalan ng mana ang isa sa tatlo kong anak dahil sa ginawa niya at ng kanyang asawang pagtatangka sa aking buhay apat na taon na ang nakalilipas. Sila ngayon ay napatunayang nagkasala at nakapiit sa bilangguan. Maaari ko ba itong gawin at isaad sa aking huling habilin?
- Paz
Dear Paz,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong anak ay maituturing na isang compulsory heir alinsunod sa Article 887 ng Civil Code of the Philippines na nagsasaad na:
“The following are compulsory heirs:
Legitimate children and descendants, with respect to their legitimate parents and ascendants; xxx” (Binigyang-diin)
Nakasaad din sa nasabing batas ang mga sumusunod:
“Art. 915. A compulsory heir may, in consequence of disinheritance, be deprived of his legitime, for causes expressly stated by law.
Art. 919. The following shall be sufficient causes for the disinheritance of children and descendants, legitimate as well as illegitimate:
x x x
When a child or descendant has been found guilty of an attempt against the life of the testator, his or her spouse, descendants, or ascendants;” (Binigyang-diin)
Malinaw sa nasabing mga probisyon ng batas na ang compulsory heir ay maaaring matanggalan ng mana sa pamamagitan ng disinheritance. Ang dahilan ng kanyang disinheritance ay dapat naaayon sa mga dahilang nakasaad sa batas. Samakatwid, ang pagtatangka sa inyong buhay ay isa sa mga dahilang kinikilala ng batas upang ang inyong anak ay hindi ninyo pamanahan.
Kinakailangan lamang na inyong maisaad sa inyong huling habilin ang dahilan kung bakit ninyo tatanggalan ng mana ang isa sa inyong mga anak. Ito ay ayon sa Article 916 ng Civil Code of the Philippines kung saan nakasaad na:
“Article 916. Disinheritance can be effected only through a will wherein the legal cause therefor shall be specified.”
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase lamang sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments