Iba’t ibang salik na nagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng herpes
- Shane Ludovice
- Jun 12, 2020
- 2 min read

Dear Doc. Shane,
Napansin ko na may tumutubong tila paltos na kumpul-kumpol sa aking singit at puwitan. Sobrang kati nito pero iniiwasan ko namang kamutin dahil natatakot ako na baka lumala kapag nagkasugat. Wala akong boyfriend pero active ang sex life ko kaya nang ikuwento ko ito sa aking kaibigan, sabi niya ay baka herpes daw ito pero hindi raw siya sigurado. Ano ba ‘yung herpes?
- Laura
Sagot
Ang herpes ay isang uri ng sakit na nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik (sexually transmitted disease o STD). Sa kondisyong ito, ang pasyente ay nagkakaroon ng maliliit na paltos sa kanyang ari kaya ito ay kilala rin sa tawag na genital herpes.
Subalit bukod sa ari, maaari ring magkaroon ng mga paltos sa puwit, singit, mga hita at maging sa bibig. Ang mga paltos na ito ay kadalasang maliliit, kumpul-kumpol, mapupula, mahapdi at makati. Kung tinubuan ng mga paltos sa loob ng ari, malaki ang posibilidad na makaranas ng sakit o hirap sa pag-ihi.
Ang herpes ay sanhi ng dalawang uri ng virus, ang herpes simplex virus 1 (HSV-1) at herpes simplex virus 2 (HSV-2). Kung maaapektuhan ng HSV-1, maaaring magkaroon ng herpes sa bibig. Samantalang ang HSV-2 ay nagdudulot ng herpes sa ari at mga kalapit nitong bahagi. Maaaring makuha ang virus kung ang tao ay nakahawak o nadikitan ng laway, tamod o vaginal secretion ng infected na tao. Maaari ring makuha ang mga ito sa pakikipaghalikan.
Upang malunasan ang mga sintomas ng herpes, maaaring magbigay ang doktor ng mga antiviral na gamot. Maaari ring uminom ang pasyente ng painkiller upang mabawasan ang anumang pananakit na nararamdaman sa katawan. Bukod sa mga ito, papayuhan din ang pasyente na panatilihin ang kalinisan ng katawan—lalo na sa mga apektadong bahagi.
Mga sintomas:
Pagkakaroon ng mga paltos sa ari o ibang bahagi.
Pagkakaroon ng mapula at makating mga paltos.
Pagkakaroon ng nagsusugat o nagtutubig na mga paltos.
Pananakit ng ari tuwing umiihi
Pagkakaroon ng mabahong discharge mula sa ari.
Ang herpes ay walang pinipiling tao — bata man o matanda, nakikipagtalik man o hindi, maaari pa ring maapektuhan ng kondisyon na ito.
Subalit, mas lalong tataas ang posibilidad na magkaroon ng herpes dahil sa mga sumusunod na salik:
Pakikipagtalik sa iba’t ibang tao
Pakikipagtalik ng walang proteksiyon
Pakikipagtalik sa murang edad
Pagkakaroon ng mahinang resistensiya
Madalas na panghihiram ng personal na gamit ng iba
Pag-iwas:
Ugaliing maghugas ng mga kamay gamit ang tubig at sabon upang mahugas at maalis ang anumang virus na nahawakan.
Kung makikipagtalik, siguraduhing gumamit ng condom upang maiwasan ang direktang pagdidikit ng mga ari.
Maging tapat sa isang katalik at iwasan ang pakikipagtalik sa iba’t ibang tao.
Huwag manghiram ng mga personal na gamit ng iba.
Palakasin ang resistensiya ng katawan upang hindi madaling dapuan ng kung anu-anong sakit.
Kumain ng masusustansiya at mag-ehersisyo upang lumakas ang pangangatawan.





Comments