top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Diaz, selyado ang upuan sa Olympics base sa qualifying rankings

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Jun 12, 2020
  • 2 min read

Halos selyado pa rin ang upuan ng Pinay na si Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics base sa kasalukuyang qualifying rankings at sa pinakahuling panuntunan ng International Weightlifting Federation para sa mga gustong lumahok sa prestihiyosong games.

Sa unti-unting pagluwag ng mga pandemic controls at sa dahan-dahang pagbalik ng isports sa limelight, nakatuntong pa rin sa panglimang baytang ng world rankings ang pambato ng Zamboanga na gumawa ng kasaysayan matapos makahablot ng pilak na medalya sa 2016 Rio Olympics at ngayon ay nakabase sa Malaysia para sa kanyang patuloy na pagsasanay.

Apat na weightlifters mula sa bansang China ang nasa harapan ni Diaz pero hindi ito nangangahulugang malabo ang tsansa niya sa podium. Kung ngayon gagawin ang Olympics, masisikwat niya ang Olympic silver medal base sa ranking dahil isang kinatawan lang kada bansa kada weight category ang pinapayagan ng IWF na lumahok. Mula sa pagiging panglima ay magiging pangalawa ang sports icon ng bansa na sariwa sa paghakot ng tatlong gintong medalya sa grupo ng mga may bigat na 55kilograms noong 2020 World Championships at sa pagiging 2019 SEA Games champion.

Kasalukuyang may naipong 3,717.0982 qualifying points si Diaz mula sa paglahok sa anim na qualifying tournaments. Isang qualifer na lang ang kailangan niyang salihan para makumpleto ang isa sa mga kondisyon na inilatag ng IWF sa mga sasali sa Tokyo. Lahat din ng mga papayagang lumahok sa Tokyo ay kinakailangang lumahok sa hindi bababa sa anim na qualifying tournament. Bago ang pagpapatupad ng mga quarantine ay nakatakdang lumahok sa Columbia si Diaz para sa pang-anim at huli niyang qualifying tourney pero hindi ito natuloy dahil sa paglaganap ng coronavirus.

Kamakailan ay inaprubahan ng International Olympic Committee ang binagong panuntunan para sa olympic qualification system. Ang qualifying period, na biglang nahinto dahil sa paglaganap ng COVID-19 na naging daan din para ipagpaliban ang Olympics ngayong kasalukuyang taon, ay hinabaan na at ngayon ay magpapatuloy simula Oktubre 01, 2020 hanggang Abril 30, 2021.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page