Kaalaman tungkol sa pagpapayaman sa pamamagitan ng pagiging madamot
- Sr. Socrates Magnus II
- Jun 12, 2020
- 2 min read
Bigyang-daan natin ang ilang bagay na puwedeng isabuhay ngayon at pagkatapos ng COVID-19 pandemic.
Sa nakaraang isyu, ibinahagi natin ang kahalagahan ng pagiging masinop at matipid dahil ang dalawang ito ang tunay na nagpayaman sa mayayaman at nasisiyaman pa.
Muli, may mga tao na parang mayaman pero walang sinop sa buhay at hindi marunong na magtipid at bukas-makalawa, sila ay maghihirap na. Dahil sa pagiging masinop at matipid, ang mayayaman ay mapagbibintangan na madamot.
Para malinaw, ang ginamit na salita ay “mapagbibintangan,” ibig sabihin, hindi talaga sila madadamot at kuripot. Kaya lang sila ganu’n ay dahil alam nila ang kahalagahan ng pagsisinop para sa ikagaganda ng kanilang kinabukasan.
Ano ang kaibahan ng madamot sa kuripot? Ito muna ang ating pagtuunan ng pansin.
Ang madamot ay hindi nagbibigay, samantalang ang kuripot ay magbibigay pero kaunti lang. Ito ang pangunahing pagkakaiba ng dalawa. Gayunman, ang pagkakatulad nila ay ang parehong inaalagaan at iniingatan ang nasa kanila na.
Tulad ng nasabi na, ang mayayaman at nagsisiyaman ay isinasabuhay ang dalawang nasabing katangian at dahil dito, ngayon palang ay alam na natin kung sino ang yayaman o hindi.
Madamot ka ba? Tiyak na yayaman ka. Hindi ka ba masinop? Malabong yumaman ka.
Matipid ka ba? Kung oo, tiyak ang pagyaman mo. Ikaw ba ay hindi matipid? Ang iyong kinabukasan ay walang kasiguraduhan.
Nakagugulat at parang hindi maganda sa tao ang madamot at matipid. Kaya lang, ito ang reyalidad tungkol sa pagpapayaman.
Sa totoo lang, ang pinagdadamutan o hindi dapat bigyan ay ang mga lumapit sa iyo at tinulungan mo, pero nagalit pa sa iyo. Makatwiran lang na sila ang iyong pagdamutan.
Pero ang mga mahal mo sa buhay, malalapit at tapat sa iyo ay hindi mo dapat pagdamutan.
Pinagdadamutan din ang mga taong nilapitan mo noon, pero tumanggi sa iyo. Kaya ang mga naging madamot ay dahil na rin sa kanilang kapwa.
Samantala, ang mga taong matipid ay nakaranas ng hirap sa buhay, kaya para hindi na maulit ang kanilang naranasang hirap, isinabuhay nila ang pagiging matipid.
Ang pinagkakagastusan lang ng matitipid ay basic needs, kaya sila ay hindi nabubuhay sa luho at ang salitang “sobra” ay wala sa kanilang bokabularyo dahil kahit kailan, hindi sila gumagastos nang sobra-sobra.
Dahil dito, kapag nagbibigay sila ng tulong ay maliit lang, kumbaga, makapagbigay lang ay okey na at ganundin kapag sila ay bumili ng pagkain. Sa pagbili ng mga gamit, malabong bumili sila ng mga uso at mamahaling gadgets.
Kung susuriin, sapat na ang magdamot at magtipid para yumanan. Dahil muli, ang lahat ng mayayaman at nagsisiyaman ay marunong magdamot at magtipid.
Itutuloy
Opmerkingen