top of page

Paraan para mas maging aktibong pisikal ang bata kaysa malulong sa gadgets

  • Nympha
  • Jun 10, 2020
  • 2 min read

Ilan na bang mga bata ang nababalitaan nating na-stroke dahil sa kalalalaro ng games sa gadgets kung saan nalilipasan na ng gutom, wala nang pahinga ang mata at wala pang tulugan? Mayroong tuluyang nasawi dahil sa pagkalulong sa kapipindot ng kanilang mobile phones, gayundin, dahil hindi mabitiwan ang popular na games, nakalilimutan na maski uminom ng tubig o maligo.

Hindi lang sa matatanda masama ang hindi pag-e-ehersisyo o walang galawan na aktibidad sa loob ng bahay kundi pati na rin sa mga bata. Napakainam sa kalusugan ng habang bata pa ang maging aktibong pisikal. Kaya hindi sila dapat sinasaway sa pakikipaghabulan sa kalaro, maglulundag at magpapawis dahil nakapagpapalakas ng immune system, muscle, baga, utak at higit sa lahat, puso ang pagiging malikot.

Ang gadgets ay puwedeng gamitin ng lagpas sa 3 oras sa isang araw. Itakda ang mas mahabang tulog na walong oras, apat na oras sa mga gawaing bahay, apat na oras sa paggawa ng assignments o projects at ang matitirang oras ay para sa ehersisyo niya.

Heto ang tips para mas maging mahilig sa pagpapalakas ng katawan ang bata at laging pagpawisan. Kahit hindi siya interesado sa una, dapat sa maagang edad pa lamang ay mahikayat na siyang maging aktibo.

1. PAPILIIN SA AKTIBIDAD NA GUSTO NIYA. Pagtakbo ba tulad mo na mahilig sa jogging, jumping rope, pagba-badminton, table tennis, swimming, ballet, wall climbing etc. ang ituturo sa kanya? Hayaan siyang makapili ng komportable sa kanyang laro. Kung nais niyang makalaro ng taguan ang playmates, go! Payagan siya. Huwag matakot na marumihan o masugatan nang bahagya ang bata. Paalalahanan lang siya na mag-iingat upang hindi mapilayan o mauntog.

2. HAYAAN KAHIT ALANGANIN ANG GUSTO. Kung babae ang bata pero gusto ng basketball, ayos lang, astig! Kung ang lalaki naman ay mas pinili ang ballet o figure skating, gora lang para sa ikalalakas ng bata.

3. SOLO ACTIVITIES. Magmungkahi ng aktibidad na okey para sa kanya na solo niyang gagawin tulad ng pagsasayaw, gymnastics, running, martial arts, horseback riding o cycling kung hindi pa siya handang makihabulilo sa ibang bata.

4. HIKAYATIN SA NON-SPORTING ACTIVITIES. Kung ayaw naman niyang labis na mapagod, subukan ang ibang skills tulad ng pagpipinta, pananahi, pagdo-drawing, pagtugtog ng drums, gitara at iba pang musical instruments upang manatili ring aktibo ang kanyang utak.

5. GAWAING-BAHAY. Dapat ay magkaroon siya ng regular assignment para makatulong tulad ng paghuhugas ng pinggan, pagliligpit ng higaan, pagwawalis sa bahay at bakuran, pagliligpit ng mga gamit niya at pag-oorganisa ng sarili niyang mga kagamitan, maging ang regulat na paglilinis sa sarili niyang kuwarto.

6. MAGING MAHUSAY NA EHEMPLO BILANG NAKATATANDA. Dapat lahat ng adult sa bahay ay nakasusunod sa ganyang mga bagay para magkaroon ng idol sa tahanan ang mga bata. Kung napakahusay magluto ng magulang, tiyak na magiging mahusay na cook din ang bata habang lumalaki. Ganyan din kung sporty ang parents, nahihikayat din ang bata na maging physically active.

7. TANDAAN NA MAS MASARAP ANG TULOG. Magana kumain ang batang aktibo kapag nakasanayan na niya itong gawin sa kanyang buhay, gayundin ang pagtulog. Malaking benepisyo ito sa kanyang sarili upang maging matibay laban sa anumang sakit, lalo na ngayong laganap ang pandemic at wala pang vaccine kontra COVID-19.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page