Rekomendasyon para magka-love life, dapat gawin nang mabilis
- Maestro Honorio Ong
- Jun 9, 2020
- 2 min read
Dear Maestro,
Pansin ko na medyo minalas ang buhay ko noong 2019 at ngayong taon. Ano ang dapat kong gawin para bumalik ang suwerte sa aking buhay? Wala pa akong asawa, kaya gusto kong malaman kung makapag-aasawa ako at kailan ito mangyayari? Matagal n’yo na akong tagasubaybay, pero lang ako kumonsulta, kaya sana, magabayan n’yo ako para umasenso at lumigaya ang buhay ko. May 5, 1985 ang birthday ko.
Umaasa,
Marianne ng Tabang, Guiguinto, Bulacan
Dear Marianne,
Ayon sa birth date mong 5 sa destiny number na 6 (5+5+1985=1995/ 19+95=114/ 11+4=15/ 1+5=6) sa zodiac sign na Taurus, bukod sa planetang Mercury na ruling planet ng birth date mo, ikaw ay pinangingibabawan ng planetang Venus na siya namang ruling planet ng destiny number mong 6 at zodiac sign na Taurus.
Ibig sabihin, may dalawang bagay na dapat kang gawin upang mawala ang mga kamalasan na kumukubabaw sa iyong pagkatao. Una, panaigin mo ang impluwensiya ng planetang Venus. Paano? Kailangan mong ugaliin ang paggamit ng kulay na pula dahil ito ang kulay ng Venus. Ito ang magbibigay ng sigla at pampapagana sa buhay, ibig sabihin, kapag lagi kang gumamit ng pula, madali nang mahahawi ang lahat ng iniisip mong kamalasan at kasabay nito, madali mo na ring mahihigop ang magaganda at positibong kapalaran.
Pangalawa, dahil si Venus ay “God of love, passion, sex and romance”, kailangang magkaroon ka ng love interest. Ibig sabihin, mag-boyfriend, magka-crush o may hangaan ka.
Kapag lagi kang in love o nagkaka-gusto sa lalaki, sa mga sandaling ito, kusang susulak ang iyong dugo at libido. Dahil laging sumusulak ang mga ito, magkakaroon ka ng kakaibang lakas at sigasig upang harapin ang bawat araw nang may saya at excitement.
Kapag laging may “excitement” sa buhay, kasunod nito ang kakaibang tuwa at sigasig hanggang sa kusa mo nang maaakit ang lahat ng suwerte at magagandang kapalaran. Gayundin, dahil lagi kang “on the go”, mas madali kang liligaya at magtatagumpay sa kahit anong larangan na nais mong maabot. Ibig sabihin, bagama’t may edad ka na, sakto lamang ito hanggang sa edad mong 36 upang magka-boyfriend at makapag-asawa.
Kapag nangyari na ‘yan, dahil may love interst o boyfriend ka, biglang gaganda at bubulas sa iyong buhay ang masagana at magandang kapalaran.
Ano pa ang dapat mong gawin upang mas madali mong mapitas ang ligaya at tagumpay sa buhay bukod sa panaigin ang impluwensiya ng planetang Venus?
Dapat ay panaigin mo rin ang impluwensiya ng planetang Mercury. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng mabibilis na pagpapasya at pagkilos. ‘Ika nga, hindi ka dapat nagdadalawang-isip. Sa halip, anumang produktibong bagay ang pumasok sa iyong isipan, gawin mo agad. Sa ganyang paraan, laging mapupuno ng tagumpay at katuparan ang bawat araw, anumang naisin at balakin mong mangyari.
Pangalawa, lagi kang gumamit at magsuot ng silver o pilak na singsing na pinalamutian ng batong emerald o kahit anong uri ng bato na kulay pula. Ito ang magsisilbing pantaboy ng kamalasan at siya rin ang magsisilbing tagahigop ng suwerte at magandang kapalaran habang ito ay patuloy mong isinusuot at nakadikit sa iyong balat.
Marianne, gawin mo nang mabilis ang mga rekomendasyon sa itaas dahil ngayong 2020 hanggang 2021 sa edad mong 35 pataas, mabilis kang magkaka-boyfriend, uunlad, makapag-aasawa at magkakaroon ng simple pero okey na pamilya at habambuhay ka nang liligaya.




Comments