top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Pagbabalik-eskuwela, dapat nakadepende sa kaso ng COVID-19 sa bawat lugar

  • Kuya Win Gatchalian
  • Jun 9, 2020
  • 2 min read

Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, nais nating bigyang-diin na dapat magpatuloy pa rin ang pag-aaral ng kabataan sa kabila ng krisis na dulot ng pandemya. Mayroon kasi itong pangmatagalang pinsala sa kanila kapag lalo pang pinahaba ang kanilang bakasyon.

Mayroong mga magulang na nagnanais na ipagpaliban na lang muna ngayong taon ang pag-aaral ng kanilang mga anak dahil sa takot na mahawa sila ng virus.

Gayunman, isang ulat mula sa World Bank na pinamagatang “The COVID-19 Pandemic: Shocks to Education and Policy Responses” ang nagpapakita na ang paghinto sa pag-aaral kalaunan ay may malaking epekto sa kanilang kakayahang magkaroon ng maayos na hanapbuhay at kinabukasan. Sabi pa sa naturang ulat, mas nanganganib na mag drop-out ang mga nangangailangang mag-aaral o ‘yung tinatawag na “vulnerable” at “struggling” sa ganitong mga panahon.

Sa Venezuela halimbawa, nang tamaan ito ng krisis pang-ekonomiya ay umakyat ng 56 porsiyento ang bilang ng out-of-school children and youth mula noong 2015 hanggang 2017.

Sa tuwing tatamaan naman ang Estados Unidos ng pagbagsak ng ekonomiya, mas bumababa ang kita o mas nauunang mawalan ng trabaho ang mga hindi nakapagtapos kung ihahambing sa mga nakapag-aral.

Kaya dapat magpatuloy pa rin sa pag-aaral ang mga estudyante pero ang mungkahi natin ay gawing ‘risk-based’ ang basehan ng pagpasok sa eskuwela ng mga bata. Ano’ng ibig nating sabihin dito? Mayroong mga rehiyon o probinsiya sa bansa na wala namang kaso ng COVID-19. Sila ang puwedeng magsagawa ng physical o face-to-face classes pero dapat panatilihin pa rin ang minimum health standards — tulad ng pagbabawal sa iba’t ibang uri ng pagtitipon — upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, magulang at iba pang kawani ng paaralan.

Ilang ulit ring sinasabi ng Department of Education (DepEd) na sa pagbubukas ng klase, hindi nangangahulugang magkakaroon na ng face-to-face learning, dahil sa ilalim ng Learning Continuity Plan (LCP) ng DepEd, hindi lamang online learning ang magiging paraan ng pagtuturo. Kabilang din sa iba pang mga paraan ng pagtuturo ang paggamit ng radyo, telebisyon at printed packets para sa mga mag-aaral na walang internet o gadgets.

Kapag pinahaba pa ang bakasyon ng mga bata, lalo na sa mga pampublikong paaralan, siguradong mapag-iiwanan sila ng mga ka-edad nilang mas nakakaangat sa buhay o nag-aaral sa mga pribadong eskuwelahan. Huwag natin hayaang mangyari ito.

Dapat maipagpatuloy ang edukasyon ng mga mag-aaral sa anumang wasto at ligtas na pamamaraan. Alalahanin natin na ang layon nito ay pag-angat natin sa kinabukasan ng kabataan, lalo na para sa ating mga nangangailangang mag-aaral.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page