Alaga, magpapakasal na raw… LOLIT KAY MARK: SANA, MAGKAROON KA NA NG AMBISYON, NAPAG-IWANAN KA NA!
- Vinia Vivar
- Jun 8, 2020
- 2 min read

Isa sa mga natuwa sa engagement nina Mark Herras at Nicole Donesa ay ang manager ng aktor na si Lolit Solis. Ipinahayag ng veteran showbiz columnist/talent manager sa kanyang Instagram account ang pagbati kasabay ang hiling na sana'y maging daan ito para magkaroon ng focus ang aktor sa trabaho.
“Ibinalita na ang engagement nina Mark Herras at Nicole Donesa. Sana nga ay maging daan ito para magkaroon na ng focus at ambisyon si Mark.
“Sana nga, makita niya na ang tangi niyang sasandalan sa buhay ay ang kanyang career, at magawa niyang pag-aralan kung paano ito palaguin.
“Sa showbiz kasi, hindi porke nabigyan ka ng break, du'n na ito nag-umpisa at huminto. Dapat din, as the years go by, patuloy mong pag-aralang mabuti kung paano madaragdagan ang talento mo, paano patuloy na sikapin mo na 'yung physical appearance mo, mas lalo pang gumaganda kaya physically, inaalagaan mo ang iyong katawan.
“At higit sa lahat, ipakita mo sa mga kasama mo sa trabaho na masarap kang ka-team para matanim sa utak nila na magaan kang kasama,” ang pahayag ni 'Nay Lolit sa kanyang post.
Ayon pa sa manager ni Mark, hanga siya sa aktor dahil hindi ito inggitero, pero nanghihinayang siya kay Mark dahil napag-iwanan na ito ng mga kasabayan.
“Hanga ako sa pagiging very practical ni Mark, hindi siya inggitero, tinatanggap niya kung ano lang ang ibinibigay sa kanya. Pero hindi niya napapansin, na dahil sa laid back attitude niya, naiiwanan siya.
“Sayang, dahil puwede naman na-hone sana mabuti ang talent niya like sina Jennylyn Mercado at Yasmien Kurdi.
“Sana, mas naging focused at konting ambitious siya para hindi naiwanan. At sana rin, alam ni Mark na hindi lahat, puwede niyang tulungan, may hangganan din ang responsibilidad. 'Yung kaya mo lang ang ilagay mo sa balikat mo,” saad pa ni 'Nay Lolit.
“Congrats to you and Nicole. Hope you find your forever,” pagtatapos ng manager/columnist.
Inanunsiyo ni Mark ang kanyang engagement sa IG last Friday. Nag-post siya ng black and white photo showing off their engagement rings at sa caption, he wrote, “Ang mahalin ka at makasama ka habang buhay... I love you itchybear. #toinfinityandbeyond.”








Comments