Pantay na pagtrato sa pagbabalita, maging salarin man o biktima
- Bong Revilla
- Jun 5, 2020
- 3 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Panahon na para baguhin ang nakagisnan nating paggamit ng mga salita para tukuyin ang suspek o salarin, partikular sa pagbabalita na madalas ay ibinabase natin sa kanilang relihiyon, rehiyong pinagmulan o kultura at pangkat na kinabibilangan.
Ito ay upang mabigyan natin sila ng proteksiyon at mapangalagaan ang kanilang civil at political rights, mga karapatang dapat na tinatamasa ng bawat Pilipino na matagal na nating ipinagkakait sa ilan nating kababayan.
Kaya medyo naging madamdamin ang inyong lingkod nang bigkasin ang aking sponsorship speech hinggil sa aking panukalang-batas na, S. No. 448, “An Act Prohibiting the Use of Words that would Denote Religious, Regional or Ethnic Affiliation in Print, Radio, Television Including Cable Television and other Forms of Broadcast Media to Refer to or Describe any Person Suspected or Convicted of a Crime or Unlawful Act and Providing Penalties Therefor.
Maraming pagkakataon, lalo na sa pagbabalita ay nakaririnig tayo ng mga ganitong pagturing — “Muslim na terorista”, “mandurukot na Mangyan” o “Tausog na pirata” — na hindi nakasanayang gamitin sa pagbabalita kung ang suspek ay Kristiyano na alam kong labis na ipinagdaramdam ng mga kababayan nating kaanib ng Muslim.
Ngunit kapag kababayan nating kaanib ng relihiyong Muslim ang nasangkot sa krimen kahit na siya ay doktor ay awtomatikong isinisulat sa balita na “Muslim pumatay” o “doktor na Muslim, pumatay”.
Palagi na lamang isinasama ang kanilang relihiyon o rehiyong pinagmulan na wala namang kinalaman sa kinasasangkutan nilang sitwasyon at ito ay maliwanag na pagyurak at kawalang respeto sa iginagalang nilang kultura at relihiyon.
Ang mga ganitong pagbabalita sa media ay hindi nakatutulong sa pagpapalaganap ng national healing at national unity. Ang mga ganitong negative tagging at diskriminasyon ang nais nating iwasan sa ilalim ng isinusulong nating panukalang-batas.
Isulong natin ang mga batas at polisiya na magtataguyod ng pagkakaisa at hindi ng pagkakawatak-watak. Bigyang-prayoridad natin ang mga panukalang magtatanim ng binhi nang pagkakabuklud-buklod at hindi makasarili o magpapalawig ng hidwaan.
Nauna ko nang isinumite ang panukalang-batas noon pang 2004 habang nasa 13th Congress. Sa ilalim ng Senate Bill 1215, ipinanukala ko ang pagbabawal sa paggamit ng salitang “Muslim” or “Islamic” sa mass media para tukuyin ang suspek o sintensiyado.
Dahil sa tila normal na ito sa kalakaran nang pagbabalita na labis na yumuyurak sa Islamic religious culture, Muslim individuals at sa kanilang collective image, at maging sa kanilang Muslim’s social well-being bilang respetadong mamamayan sa ating bansa.
Ngunit hindi ito nagtuluy-tuloy kaya muli ay isinumite ko ito sa panahon ng 14th Congress noong 2007, noong panahon ng 15th Congress sa taong 2010 at noong panahon ng 16th Congress sa taong 2013.
Batid natin ang mga nangyayaring protesta sa iba’t ibang panig ng mundo ngayon bilang pag-kondena sa racial discrimination at police brutality. Sa panukalang ito, sinisiguro nating napapangalagaan ang karapatang-pantao ng lahat, kahit pa mga suspek o convicts ang mga ito.
Pangarap kong maalis na ang religiously and culturally-biased practices sa ating lipunan dahil ang ating bansa ay state party both to the International Covenant on Civil and Political Rights and International Convention on the Elimination of All Forms of Racial Discrimination.
Kaya lubos ang aking pasasalamat sa suporta ng National Press Club (NPC) at Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP), the major umbrella groups covering our media practitioners, kabilang ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at ang Commission on Human Rights (CHR).
Pantay na pagtrato lang naman ang pangarap ko, mahirap ba ‘yun?
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com




Comments