Work from home, online classes at contactless transactions, goodluck sa bagal ng internet!
Ngayong tayo ay nasa “new normal” na, inaasahan na magiging bago at makabago na ang pamumuhay.
Mula sa trabaho, pag-aaral hanggang sa mga libangan, lahat ay may inaasahang adjustment na kailangan nating matutunan at magawan ng paraan para tuluyang makaiwas sa banta ng mas malalang kaso ng Coronavirus Disease 2019 o iba pang sakit.
Ang tanong, lahat ba ay handa o naghahanda na?
Tulad ng internet services sa bansa na isa sa gamit na gamit at marami ang nakadepende.
Sa nagdaang ilang buwan, tiyak na may naka-appreciate sa internet na maaasahan at meron ding nainis sa kabagalan.
Kaya sang-ayon tayo na simulan nang imbestigahan ang internet connectivity sa bansa.
Sa Senate Resolution No. 414, na inihain ni Senador Lito Lapid, layon nitong malaman ang bilis ng internet connection, gayundin ang bandwidth capacity at iba pang isyu tungkol sa internet ngayong umiiral na ang new normal.
Nasa panahon na tayo na mas pinipili ang mga contactless o online transactions — pagbabayad ng bills, pamimili ganundin sa negosyo.
May mga kumpanya na ring nagpatupad ng work from home policy — iwas-trapik, makakatipid at mas magkakaroon ng panahon sa pamilya.
Suspendido na ang face-to-face classes kaya ang edukasyon ay kailangang maitawid sa ibang paraan tulad nang online.
Kung kulelat ang Pilipinas pagdating sa bilis ng internet, pare-pareho tayong nganga! Lugi ang negosyo, palpak ang trabaho at bokya ang edukasyon.
Kaya panawagan sa ating gobyerno, tiyakin ding nakakasabay ang lahat ng serbisyo sa mga pagbabagong nangyayari sa ating bansa.
Kung may problema sa internet provider, gawan ng solusyon at kung wala na talagang pag-asa, hanapan ng kapalit, tapos.
Hindi na puwede ang papatay-patay, kailangan nating makabawi at muling maibangon ang ating ekonomiya.





Comments