top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Taos-pusong pasasalamat sa lahat ng sumusuporta at nagpapahayag ng pag-alala sa aking ama

  • Bong Revilla
  • Jun 3, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Nabulabog ang katahimikan ng aming pamilya nang biglang makaramdam ng paninikip ng dibdib ang aking ama na si dating Senador Ramon Revilla, Sr.

Bukod sa edad niyang 93, malakas ang kanyang pangangatawan at hindi namin isinaisantabi ang posibilidad na posibleng nahawa sa COVID-19.

Ito ay bahagi lamang ng unang reaksiyon ng kahit sinong pamilya na magkakaroon ng sakit sa panahong ito maganap ang insidente.

Bandang alas-6 ng gabi noong Mayo 31 ay agad naming isinugod sa St. Dominic Medical Center kung saan ay nilapatan siya ng paunang-lunas dahil halos hindi na ito tumutugon sa prosesong ibinibigay ng mga doktor.

Matapos maibigay ang first aid at iba pang emergency medical services ay agad namin itong isinugod sa St. Lukes Medical Center sa Bonifacio Global City, Taguig kung saan siya ngayon nilalapatan ng kaukulang-lunas.

Agad siyang kinabitan ng ventilator at salamat sa Panginoon dahil nagbalik na ang kanyang malay at tumutugon na itong muli sa lahat ng prosesong inilalapat sa kanya.

Sumailalim na rin ito sa lahat test at kasalukuyan pa kaming naghihintay sa mga resulta kaya sa mga nagtatanong kung biktima ba ito ng COVID-19 pandemic ay wala pang kumpirmasyon.

Sa ngayon ay nasa maayos na kalagayan na ang aking ama at kitang-kita sa kanya ang tapang para labanan ang sitwasyon at ang buo naming pamilya ay hindi siya iniiwan hanggang sa hindi siya nakakalabas ng ospital.

Kilala ang aking ama dahil sa mga pelikulang ginampanan niya na may kaugnayan sa agimat ngunit sa totoong buhay ay hahanga ka sa kanya dahil sa ipinapakita niyang lakas sa kabila ng kanyang edad.

Simula nang isugod namin siya sa pagamutan ay walang humpay ang natatanggap naming mensahe na lahat ay nagpapakita ng suporta para sa aking ama at tulad namin ay nagpapahayag din ng pag-aalala.

Hanggang sa kasalukuyan ay walang tigil ang mga tawag at walang sawa naman kami sa pagsagot sa kanilang malasakit na lahat ay nagpahayag ng panalangin para sa kaligtasan ng aming ama.

Hindi kaila sa inyong lahat na kung hindi sa aking ama ay hindi ako mapapasok ng showbusiness at lahat ay minana ko sa aking ama maging ang aking pangalan.

Ang ama ko ang nagturo sa akin na sa murang edad ay kailangan nang maghanapbuhay kaya ako nakaipon sa murang edad hanggang sa mapalaot na ako sa pulitika.

Kulang na kulang ang espayong ito kung respeto at pagmamahal lamang ang pag-uusapan para sa aking ama, dahil ang buong kong pamilya hanggang sa mga apo ay ipinararamdam araw-araw na mahal na mahal namin ang bayani ng aming pamilya.

Sa lahat ng mga nagdasal at patuloy pang nagdarasal para sa kaligtasan ng aming ama ay buong puso akong nagpapasalamat, hinding-hindi ko kayo makakalimutan.

Kung puwede lang idugtong ko ang buhay ko para sa aking ama ay gagawin ko, para sa tunay na ‘Agimat ng Masa’.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page