Nabuking na mga ilegal na ospital para sa mga Chinese na nagpositibo sa COVID-19, ‘wag palampasin!
- Korina Sanchez
- Jun 1, 2020
- 1 min read
Nakapagtataka kung bakit tila walang pakialam o hindi takot sa batas ang mga Chinese na naninirahan o namamalagi sa bansa.
Ito ay matapos mapaulat ang mga ilegal na ospital para sa mga Chinese na nagpositibo sa COVID-19 sa Pampanga, Cavite, Makati City at Parañaque City.
Kapwa mga Chinese lamang ang tinatanggap sa mga ilegal na ospital na ito kung saan bukod sa walang permit ang mga ospital, hindi rin lisensiyado ang mga doktor na galing sa China.
May mga gamot din sila na hindi umano dumaan ng inspeksiyon ng Department of Health (DOH) at hindi rin sertipikado ng Food and Drug Administration (FDA).
Unang nabuking ang ospital sa isang gusali sa Makati City last month dahil sa reklamong nagbara ang drainage at nang inspeksiyunin ay medical wastes ang nakabara sa tubo.
Sa totoo lang ay sobrang nakakaalarma ang mga ulat na ito. Hindi ba nababantayan o naitatala ng DOH ang mga may sakit? Paniguradong hindi sila dumaan sa anumang testing center sa bansa at sila lamang ang nag-test sa mga pasyento nito.
Ipinakita nilang wala silang tiwala sa ating mga ospital o doktor. Gayundin, paano nakalusot ang mga gamot na ipinasok na karamihan ay pawing Chinese character ang nakasulat?
Ang masaklap, ang pagtatapon nila kung saan-saan ng mga basurang medikal ay paglabag sa ating health protocols. Hindi lang ang komunidad na ‘yun ang inilalagay sa peligro kundi ang buong bansa.





Comments