Mayroon bang pananagutan ang donor kapag may nadale sa ipinamigay niyang pagkain?
- Persida Acosta
- Jun 1, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Ako may-ari ng maliit na bakeshop. Ang mga tinapay na itinitinda namin araw-araw ay iniluto rin sa mismong araw at ang mga hindi nabibili ay itinatapon na lang. Nais ko sanang mag-donate ng mga tirang tinapay sapagkat ito ay ligtas pa namang kainin sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw. Gusto ko lang malaman kung may pananagutan ba ako kung sakaling may magkasakit dahil sa pagkain ng mga nasabing tinapay? – Sarah
Dear Sarah,
Ang pagbibigay ng pagkain bilang kawanggawa ay pinahihintulutan ng ating batas. Marapat lamang masiguro ang kaligtasan ng nasabing pagkain, alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 9803 o mas kilala bilang “Food Donation Act of 2009.” Kaugnay nito, ang pananagutan ng isang food donor ay malinaw na nakasaad sa Section 5 ng nasabing batas:
“SEC. 5. Liability for Damages from Donated Food. — A person, whether natural or juridical, shall not be subject to civil or criminal liability arising from the nature, age, packaging, or condition of apparently wholesome food that a person donates in good faith for charitable purposes. This shall not apply, however, to an injury or death of an ultimate beneficiary of the donated food that results from an act or omission of a person constituting gross negligence or intentional misconduct.” (Binigyang-diin)
Alinsunod sa nabanggit na probisyon ng batas, ang sinumang nag-donate ng produktong pagkain ay walang pananagutan sa mga nasabing pagkain, maliban lamang kung ang donor ay nagkaroon ng kapabayaan o paglabag sa mga alituntunin na itinakda ng batas. Kung ang donor, sa kabila ng kanyang kaalaman na ang mga pagkain ay maaaring magdulot ng kapahamakan ay nagpatuloy sa pagbigay ng mga nasabing pagkain, at ito ay nagdulot ng kapahamakan sa beneficiary, ang nasabing donor ay maaaring panagutin sa batas.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments