Karapatan ng mga pamahalaang lokal
- Persida Acosta
- May 31, 2020
- 3 min read
Sa panahon na ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa pandemya na dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), nakita natin ang katungkulan ng mga lokal na pamahalaan para maisulong ang adhikain ng pamahalaang nasyonal na sugpuin ang pagkalat ng COVID-19.
Sa ilalim ng ating Saligang Batas, partikular ng Artikulo X nito, nakasaad ang mga karapatan ng mga pamahalaang lokal. Ang mga subdibisyong teritoryal at pulitikal ng Republika ng Pilipinas ay ang mga lalawigan, lungsod, bayan at barangay. Dahil sa halaga ng pamahalaang lokal sa pag-unlad ng bansa, kinikilala ng ating Saligang Batas ang karapatan ng mga subdibisyong teritoryal at pulitikal tulad ng mga sumusunod:
Ang mga subdibisyong teritoryal at pulitikal ay dapat magtamasa ng awtonoming lokal.
Ang Kongreso ay dapat magsabatas ng isang kodigo ng pamahalaang lokal na dapat magtadhana ng balangkas ng pamahalaang lokal na higit na matugunan at mapanagutan na itinatag sa pamamagitan ng sistema ng desentralisasyon na may mabisang pamamaraan ng recall, initiative at reperendum, mag-aayaw-ayaw sa iba’t ibang yunit ng pamahalaang lokal ng kanilang mga kapangyarihan, pananagutan at mapagkukunangbatis, at magtatadhana ng mga katangian, paghahalal, paghirang at pag-aalis, taning ng panunungkulan, mga suweldo, kapangyarihan at gawain, at mga tungkulin ng mga pinunong lokal, at lahat ng iba pang mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kabuuan at pagpapakilos ng mga yunit na lokal.
Ang Pangulo ng Pilipinas ay dapat tumupad ng pangkalahatang superbisyon sa mga pamahalaang lokal. Dapat siguruhin ng mga lalawigan ang mga lungsod at mga bayang nakapaloob sa mga ito, ng mga lungsod at bayan ang mga baranggay na nakapaloob sa mga ito, na gaganap ng kanilang mga kapangyarihan at mga gawain ayon sa pagkakatakda.
Dapat magkaroon ang bawat yunit ng pamahalaang lokal ng kapangyarihang lumikha ng mga sariling mapagkukunan nito ng kita at magpataw ng mga buwis, butaw at singilin, sa ilalim ng mga panuntunan at katakdaang maaaring itadhana ng Kongreso, na naaalinsunod sa saligang patakaran ng awtonoming lokal. Ang gayong mga buwis, butaw at singilin ay dapat mapunta sa mga pamahalaang lokal lamang.
Dapat magkaroon ang mga yunit ng pamahalaang lokal ng makatwirang kaparte, ayon sa itatakda ng batas, sa mga pambansang buwis na dapat kusang ipalabas para sa kanila.
Dapat na may karapatan ang mga pamahalaang lokal sa karampatang kaparte sa mga bunga ng paggamit at paglinang ng kayamanang pambansa na nasa kani-kanilang mga lugar, sa paraang itatakda ng batas, kabilang ang pagbibigay ng kaparte sa mga naninirahan sa pamamagitan ng mga tuwirang benepisyo.
Ang mga kalupunang lehislatibo ng mga pamahalaang lokal ay dapat magkaroon ng mga kinatawang sektoral ayon sa maaaring itakda ng batas.
Ang alin mang lalawigan, lungsod, bayan o baranggay ay hindi maaaring likhain, hatiin, pagsamahin, bulwagin o lubhang baguhin ang hanggahan nito, maliban kung naaayon sa mga batayang itinatag ng kodigo ng pamahalaang lokal at sa pagpapatibay ng mayoryang boto sa plebisito sa mga yunit pulitikal na tuwirang apektado.
Ang Kongreso ay maaaring lumikha sa pamamagitan ng batas ng tanging mga metropolitan na subdibisyong pulitikal na sasailalim ng isang plebisito ayon sa itinatakda ng batas.
Dapat manatili sa nakapaloob na mga lungsod at mga bayan ang kanilang saligang awtonomiya at dapat na may karapatan sa kanilang sariling mga tagapagpaganap lokal at mga kapulungang tagapagbatas. Ang hurisdiksyon ng awtoridad metropolitan na lilikhain sa gayong paraan ay dapat itakda sa mga pangunahing lingkuran na nangangailangan ng koordinasyon.
Ang mga yunit ng pamahalaang lokal ay maaaring magsama-sama, magbuo o mag-ugnay ng kanilang mga pagsisikap, mga lingkuran, at mga mapagkukunang batis para sa mga layuning kapaki-pakinabang sa kanila nang naaayon sa batas.
Dapat maglaan ang Pangulo ng mga panrehiyong sanggunian sa pagpapaunlad o iba pang katulad na mga kalupunan na binubuo ng lokal na mga pinuno ng pamahalaan, mga panrehiyong puno ng mga kagawaran at iba pang mga tanggapan ng pamahalaan at ng mga kinatawan mula sa mga organisasyong di pampamahalaan sa loob ng mga rehiyon para sa mga layuning desentralisasyon ng pangangasiwa upang mapatatag ang awtonomiya ng mga yunit doon at upang mapabilis ang pagsulong at pag-unlad ng pangkabuhayan at panlipunan ng mga yunit sa rehiyon.




Comments