Salon at barbershop, bukas na sa Hunyo 7... Mani, pedi, facial, eyebrow services, bawal — Sec. Roque
- Mylene Alfonso
- May 30, 2020
- 1 min read

Simula sa Hunyo 7, papayagan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang mga beauty salons at barbershop sa general community quarantine (GCQ) na mag-operate sa 30% ng kanilang kapasidad.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na base sa IATF Resolution No. 41, makalipas ang dalawang linggo, papayagan na rin ang mga ito na iakyat pa sa 50% ang kanilang operating capacity.
Habang sa ilalim naman ng Modified GCQ, ang mga salon at barbershop ay papayagan nang mag-operate hanggang 50%, at makalipas ang tatlong linggo ay papayagan na ang mga ito na mag-operate hanggang 100%.
Nilinaw ng kalihim na limitado pa rin o hanggang paggugupit lamang sa buhok ang serbisyong maaaring ialok ng mga ito.
Nabatid na wala pa ring facial care, manicure o pedicure at iba pa.
"Sa mga barbero at beauty parlor, kayo po ay nasa Category 3 na at ang ibig sabihin sa ilalim ng GCQ pupuwede kayong magbukas pero hanggang 30% capacity lamang at magsisimula po ito sa ika-7 ng Hunyo. Matapos po ang dalawang lingo pupuwede pong ma-increase hanggang 50% ang inyong capacity," ayon kay Roque.
"Ang mga barbero at salon sa MGCQ pupuwede na po hanggang 50% ang operating capacity at matapos ang tatlong linggo pupuwede na po ang 100%," ani Roque.
"Pero huwag po kayong masyadong ma-excite dahil limitado po ang mga barbero at mga salon sa paggugupit, wala pa ring facial, wala pa ring sa kuko, wala pa ring pagtatanggal ng mga eyebrows; hanggang gupit lang tayo," dagdag pa ng kalihim.





Comments